Sa tunay na takbo ng buhay, hindi ang mga kinikilalang “berde ang utak” o yaong mga sinasabing may highly developed ability to think, reason, and understand, especially in combination with wide knowledge ang nagtatagumpay bilang propesyonal o bilang mga mananaliksik, sa halip ay yaon lamang mga nabibilang sa “above average” subali’t matiyaga at may dedikasyon na matamo ang kanilang mga pangarapin. Ito ang nabanggit ni City Administrator Loreto S. Amante nang siya ay kapanayamin ng pahayagang ito pagkatapos na siya ay magsalita sa gradwasyon ng Santisimo Rosario National High School noong nakaraang Biyernes, Abril 1, 2011.
Ayon sa City Administrator na tumapos ng kurso sa Foreign Service sa De La Salle University sa Maynila, maging sa mga samahan ng mga propesyonal, tulad ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE), at ng Philippine Medical Association (PMA), ang mga nagiging lider ay hindi iyong mga first placer sa government examination, kundi iyong karaniwan lamang noong sila ay nagsisipag-aral, lamang sila ay may tiyagang pagsikapang ang kanilang kamalayan ay maiangkop sa pangangailangan ng kanilang propesyon.
Isa ring pangangailangan upang maging matagumpay na propesyonal ang pagkakaroon ng maayos na kamalayan sa sining ng komunikasyon, kaya ang payo ni Amben Amante sa mga batang na dapat mapaunlad nila ang kanilang kamalayan at kasanayan sa Wikang English, sapagka’t dapat tanggapin ang katotohanang ang English ang nagiging pandaigdigang wika lalo na ng mga gumagamit ng internet o electronic media sa kanilang mga pangkaraniwang pakikipagtalastasan.
Karaniwang naririnig sa mga kasapi ng Professional Regulations Commission (PRC) na ang marami sa mga kumukuha ng government examination ay nabibigong makapasa o nahuhulog dahil sa hindi nila ganap na nauunawaan ng instruksyon sa pagsusulit na kalakarang nasusulat sa Wikang English.
Nagugunita ng may ulat nito, na sa apat na taon niyang pag-aaral sa Mapua Institute of Technology, ang lahat ng mga nagiging board topnotcher sa Examination for Civil Engineers, for Chemical Engineers, and for Achitects, ay pawang naging miyembro ng Editorial Board ng The Builders, ang opisyal na pahayagan ng nabanggit na kolehiyo, na noon ay pangunahing kasapi ng College Editors’ Guild (CEG).
Si City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ay naniniwalang “ang komunikasyon ay bahagi ng tamang edukasyon, at ang edukasyon ang pundasyon at haligi o pilar para sa matatag na hinaharap ng ating mga anak.” (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment