Nais ipabatid ni Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña, pinuno ng National Statistics Office ng Laguna na ang buwan ng Pebrero ay Buwan ng Pagtatalang Sibil o Civil Registration Month. Ito ay sang-ayon sa Proclamation No. 682 na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong ika-19 ng Enero 1991 na ang buwan ng Pebrero ay ipagdiriwang bilang Civil Registration Month. Sa taong 2012 ang pagdiriwang ay may tema na “Tamang Rehistro, Pananagutan ng Bawat Pilipino”.
Ayon sa Artikulo 7 ng Convention on the Rights of the Child na inilathala ng United Nations at niratipika ng Pilipinas noong July 1990, “The child shall be registered immediately after birth and shall have the right from birth to a name and the right to acquire a nationality…” Kayat pananagutan ng mga magulang o sinuman ang nagpaanak sa bata na iparehistro agad ang kapanganakan nito sa tanggapan ng Local Civil Registrar sa lugar kung saang bayan ipinanganak ang bata.
Subalit hindi lamang ang pagpaparehistro ng kapanganakan ng bata ang dapat na isagawa ng mga taong may kinalaman sa panganganak, pananagutan din nila na alamin kung tama ang nakatala sa Certificate of Live Birth o dokumento ng kapanganakan bago ito iparehistro sa nasabing tanggapan.
Para sa kaalaman ng mga nakakarami, ang tamang rehistro ng pangalan at iba pang detalye ng kapanganakan pati na rin ng kasal at kamatayan tulad ng petsa, lugar, estado sa buhay, kasarian, citizenship at pangalan ng magulang ang basehan ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Foreign Affairs at Embassy sa kanilang pagsusuri ng katauhan ng isang aplikante na gustong mangibang bansa. Kung may pagkakaiba ito sa tala ng aplikasyon nila kumpara sa birth o marriage certificate, di malayong gagastos sila ng malaki sa pagsasaayos nito at maaari pang mapawalang bisa ang kanilang mga papeles. Nangangailangan din ang SSS, GSIS, Philhealth, Pag-IBIG, at iba pang ahensya ng tamang rehistro ng mga lokal na empleyado.
Sa pagpapalit pa lamang ng pangalan, magbabayad ang petitioner ng halagang P3,000.00 sa tanggapan ng Local Civil Registrar kung saang bayan siya ipinanganak. Dagdag pa rito ang mga supporting papers tulad ng baptismal certificate, school records at iba pang papeles na pagkakakilanlan ng kanyang katauhan. Isang libong piso naman ang registration fee para sa mga aplikasyon sa pagpapatama ng tala sa kapanganakan, kasal at kamatayan.
Kayat muling ipinaalaala ni PSO Serquena sa mga magulang, mga nagpapaanak, nagkakasal, tauhan ng Local Civll Registry Office at mga taong may kaugnayan sa pagpapatalang sibil, na sana ay maging maingat sa kanilang pagbibigay ng impormasyon upang maiwasan ang pagkakamali. May pananagutan sila sa bata kundi tama ang pagrerehistro sapagkat ito ang isa sa nagiging hadlang para matamo ang magandang oportunidad sa hanapbuhay at pangingibang-bansa. (NSO-Laguna)
Comments
Post a Comment