SAN PABLO CITY - Sa isang bansang katulad ng Pilipinas kung saan ang mga manggagawa ay kumikita ng halos ay hindi makasapat para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan, ay may pangangailangan na sila ay mapagkalooban ng mapagtitiwalaang palatuntunang pangkapanatagang panglipunan, sapagka’t panangutan ng pamahalaan na magkaloob ng katarungang panglipunan sa mga mamamayan. Ang pagbibigay ng katiyakang maipagkakaloob ang makabuluhang tulong na pinansyal sa tamang panahon at pagkakataon sa nangangailangang manggagawa ang sandigan o batayan sa pagkapagtatag ng Social Security System (SSS) may limampong (50) taon na ang nakalilipas, sang-ayon kay Assistant Vice President Aida V. delos Santos ng South Luzon Cluster, na ang punong tanggapan ay nasa lunsod na ito.
Ang Social Security System (SSS) ay natatag noong Setyembre 1, 1957, at maraming taga-Lunsod ng San Pablo ang nakagugunita na laging sinasabi sinabi ni Atty. Mauricio Rivera na dating hepe ng regional office ng SSS na naka-base na rin dito sa Lunsod ng San Pablo, sa pakikipanayam ng Radyo DZSP, na ang palatuntunan ay isa sa mga nasa kaisipan ng Pangulong Ramon F. Magsaysay, ang namayapang Pangulo ng Bansa na kinilalang napakalapit sa masa, at nadarama ang pangangailangan ng mga mahihirap na manggagawa.
Ayon pa kay AVP delos Santos, ang mga miyembro ng SSS na nakakabayad ng kanilang pananagutan sa sistema, kasama ang kagawad ng kanilang pamilya, ay may karapatan sa mga biyayang kaloob ng SSS kung sila ay abutin ng pamamahinga o magretiro, o bagama’t bata pa ay naging paralatiko dahil sa aksidente o nagkasakit na may kaugnayan sa kanilang gawain, ay tatanggap sila ng tulong na pinansyal. Ang mga miyembro ay maaari ring magtamo ng tulong na pinansyal kung nagkakasakit, o kung nanganganak. Sa pakikipag-ugnayan sa ibang institusyon ng pamahalaan, ang SSS ay nakatutulong din sa mga kawaning nagnanais na makapagtayo ng sariling tahanan o makapagtayo ng sariling negosyo. Maging ang mga Overseas Filipino Workers ay may palatuntunang nakalaan para sila ay matulungan kahit sa panahon na ng kanilang katandaan at pamamahinga. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment