Ngayon ay bahagi na ng sagisag o logo ng Lunsod ng San Pablo, ang makasaysayang hagdang bato pababa sa Lawang Sampalok ay sinimulan ang konstruksyon noong Nobyembre ng 1915 sa isang loteng inihandog sa mga mamamayan ni Cabesang Sixto Bautista sa pangangasiwa ni Presidente Municipal Marcial Alimario.. Ito ay nahahati sa limang (5) seksyon at binubuo ng 89 baytang, at batay sa isang lapidang nakalagay sa dakong kalagitnaan ng istraktura, ito ay pinasinayaan noong Enero 23, 1916.
Ang pangasiwaang municipal ng itayo hanggang sa mapasinayaan ang hagdang bato ay sina Marcial Alimario, presidente municipal; Isidoro Alvaran, bise presidente municipal; at Gregorio Laurel, Pedro Alcantara, Miguel de Rama, Macario Maghirang, Avelino de Guzman, Zacarias Sahagun, Ponciano Atienza, Esteban Cordez, Crispin Avanzado, Miguel Leonor, Feliciano Exconde, Francisco Sobreviñas, Marciano Brion, at Eusebio Diawatan, mga concejales.
Servando Brion, kalihim ng munisipyo, Telesforo Reyes, ingat yaman ng munisipyo, at Gregorio delos Santos, kasangguniang arkitekto.
Ang tinamong kasiraan ng hagdang bato dahil sa may sumabog na bomba na inihulog ng U. S. Air Force sa malapit dito sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaan ay isinaayos noong Taong 1965 sa pangangasiwa nina Alkalde Zacarias A. Ticzon at City Engineer Guillermo P. Inciong mula sa pondong ipinagkaloob ni Pangulong Diosdado Macapagal, bunga ng pakikipag-ugnayan ni Justice Undersecretary Manuel A. Concordia.
Ang kasalukuyang kaayusan ng Hagdang Bato sa Lawa, na may maayos na pailaw, at puting pintura, ay sa pangangasiwa ni Gng. Nercy Sahagun Amante, Unang Ginang ng Lunsod noong nakaraang taon, mula sa pondong kanyang napagwagian, bilang tagapangulo ng lupon sa paglahok ng lunsod sa ANILAG Festival 2007. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment