Si Mayor Elmer C. Codilla ng Kananga, Leyte samantalang tinatanggap ang isang alaalang pagkakakilanlan sa Lunsod ng San Pablo mula kay City Administrator Loreto S. Amante.
(CIO Photo) SAN PABLO CITY - Isang 20-katawong delegasyon na binubuo ng mga local government official ng Munisipyo ng Kananga na pinangungunahan nina Mayor Elmer C, Codilla at Vice Mayor Macario Lumangtad Jr. ang dumalaw dito noong nakaraang isang Huwebes upang magmasid sa pagpapatupad ng mga alituntunin at palatuntunan na may kaugnayan sa pangangalaga ng kalinisan ng kapaligiran, at operasyon ng pangasiwaang lokal. Ang delegasyon ay opisyal na tinanggap ni City Administrator Loreto S. Amante, na siya rin nanguna sa pagkakaloob ng kaukulang briefing at pagtugon sa mga pagtatanong upang ang mga panauhing lider ay ganap na maunawaan ang kabuuang larawan ng Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo.
Ang pinagtuunan ng pansin ng mga municipal official mula sa Kananga ay ang implementasyon ng indigency assistance and health related programs na sa kanilang pananaw ay natuklasan nilang magandang huwaran o modelo para sa iba pang yunit ng pamahalaang lokal, sapagka’t ito ay tunay na makatao sa dahilang ito ay pinag-isang palatuntunang pangkalusugan at panglipunan batay sa obserbasyon isinatinig ni Mayor Eming Codilla.
Natawag din ang pansin ng delegasyon sa pagiging self-liquidating o kakayanang mabayaran ang halagang ipinagpatayo ng San Pablo City Shopping Mall, at ang pagkakaroon ng pangasiwaang lokal ng magandang pananaw upang mauna ng makapagpatayo ng sariling sanitary landfill and material recovery facilties, kay sa ibang mga yunit ng pamahalaang lokal, upang makatugon sa itinatagubilin ng Batas Republika Bilang 9003, sapagka’t sa pangkalahatan, ang pagpapatayo ng ganitong proyekto ngayon ang suliranin ng maraming pangasiwaang lokal sa bansa.
Sang-ayon kay Vice Mayor Boy Lumangtad, ang Kananga, na kabalantay ng Ormor City sa Leyte, ay binubuo ng 23 barangay, na ang kanilang populasyon batay sa nakaraang census ay 42,866 na nahahati sa 8,865 pamilya. Nasa Barangay Tongonan sa Kananga ang ipinalalagay ng pinakamalawak na geothermal field sa buong Asia, gayon pa man, sa talumpating binigkas ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng pasinayaan ang Leyte Geothermal Production Field ng PNOC-Energy Development Corporation, ay nasa bayang ito ang pinakamalawak na wet geothermal field sa buong mundo, kaya dito nag-uugat ang kuryente na itinutustos sa Silangang Kabisayaan.. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment