Nagpapaalaala ang Department of Labor and Employment na ang Agosto 18 ay isang tanging araw ng pangilin o special non-working day sa buong bansa upang maipagdiwang ang Ninoy Aquino Day, samantalang ang susunod na Lunes, Agosto 25 ay isang pambansang araw ng pangilin o regular holiday upang maipagdiwang ang Araw ng mga Bayani. Ito ang nilalaman ng Presidential Proclamation No. 1463 na pinagtibay ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Pebrero 10, 2008 na nagtatadhana na ang Araw ni Ninoy Aquino ay ipagdiriwang sa Araw ng Lunes na malapit sa Agosto 21 ng bawa’t taon, sang-ayon sa pahayag ni Director Ricardo S. Martinez Sr. ng DOLE-Region IV-A.
Sa ganoon ding kadahilanan na ang Araw ng mga Bayani ay gugunitain sa Agosto 25, ang pinakamalapit na araw ng Lunes sa Agosto 31 na sang-ayon sa umiiral na batas ay Araw ng mga Bayani, dagdag pa ni Martiez.
Ginawa ni Director Martinez ang paglilinaw upang magabayan ang mga employer sa paghahanda ng pambayad sa mga kaluwagang dapat tamasahin ng kanilang mga manggagawa. Halimbawa, sa Agosto 18 ay “no work no pay” liban na lamang kung ang employer ay sariling policy ukol ditto o batay sa nilalaman ng ipinaiiral nilang Collective Bargaining Agreement., samantala, sa Agosto 25 ay ipaiiral ang batas ukol sa regular holiday o ang mga kawani ay babayaran bagamat ito ay isang non-working day.
Kung regular working day, ang empleyadong hindi papasok ay tatanggap ng 100% sahod para sa araw na yaon, Kung papasok o magtatrabaho, ay dapat na 200% ng kanyang arawang sahod ang tanggapin. (BENETA News)
Comments
Post a Comment