Ipinabatid rin ni Dra. Caponpon ang mga hakbanging dapat isagawa sakali’t sila ay may mga kasambahay na kinapapansinan ng pagkakaroon ng mga ipinalalagay na sintomas ng H1N1, at ang dagliang pagpapaabot ng impormasyon sa kay Dr. Job D. Brion, ang City Health Officer ng lunsod, upang ang suspect na apektado ng virus ay madalaw kaagad ng mobile surveillance team upang masuri ang kanilang tunay na kalalagayang pangkalusugan. Kung ito ay kinapitan lamang ng karaniwang trangkaso ay may sapat silang dalang gamot para ito ay malunasan, subali’t kung ito ay Dengue Fever o H1N1 ay may proseso silang susundin upang ang pasyente ay maingat na mailipat sa tamang paggamutan gaya ng itinatagubilin ng Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan.
Ang payak na payo ni Dra. Caponpon sa lahat ay iwasan muna ang pagtungo sa mga mall o sa mga saradong bulwagan. Kung maaari, sinabi pa ng manggagamot na ang mga air-conditioned room ay dapat na may malakas na exhaust fan upang ang maruming hangin ay maitaboy kaagad pa labas ng silid kung saan maaari ay marami ang taong doon ay tumitigil. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment