Pag-alinsunod sa tadhana ng Resolution No. 8646 na pinagtibay ng Commission on Elections noong nakaraang Martes, Hulyo 14, 2009, na nagtatakda ng Calendar of Activities kaugnay ng nalalapit na May 10, 2010 National and Local Elections, ang panahon para sa paglalahad ng kandidatura o Filing of Certificate of Candidacy para sa lahat ng mga magsisipaghangad ng tungkulin ay sa Nobyembre 20 - 30, 2009 o sa loob lamang ng 11 araw.
Ang campaign period para sa mga magsisipaghangad ng national positions, tulad ng pagka-Pangulo at pagka-Senador ay mula sa Pebrero 8 hanggang Mayo 8, 2010; samantala ang para sa local positions, tulad ng pagka-Gobernador, pagka-Kongresista, pagka-Bokal; pagka-Alkalde; at pagka-Konsehal, ay mula Marso 26 hanggang Mayo 8, 2010.
Sinasabi sa Resolution No. 8646 na ang Election Period, o panahon ng mga kabawalan, tulad pagbabawal na magdala ng lisensyadong baril na walang kapahintulutan mula sa Komisyon sa Halalan, at paglilipat ng mga kawani ng pamahalaan, ay mula sa Enero 10, 2010 hanggang Hunyo 9, 2010.
Samantala, sa isang kahiwalay na pahayag, nabanggit ni COMELEC Spokesman James Jimenez na ang huling araw para sa pagpapatala ng bagong botante, o paghiling na malipat sa ibang presintong bobotohan, o paghiling na mabago at maituwid ang mga impormasyon ukol sa isang botante sa kanyang Voter’s Registration Records ay sa Oktubre 31, 2009. Ito ay wala ng magiging palugit pa o extension. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment