Sa pakikipag-ugnayan nina Congresswoman Ma. Evita R. Arago, Alkalde Vicente B. Amante, at Concejala Angelita “Angie” E. Yang, ang Ai-Hu Foundation, Inc. na pinamamahalaan nina Chairman Billy Huang at Director Bella Huang, ay itatalaga sa lunsod na ito ang kanilang Van Aralan upang magkaloob ng walang bayad na pagtuturo sa wastong paggamit ng computer sa mga kabataan ng lunsod. Ang pag-aaral ay kinikilala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at ang lahat ng mga makakatapos ay pagkakaloob ng katibayan ng kasanayan na magagamit sa paghahanap ng gawain.
Sang-ayon kay Congresswoman Ivy Arago, ang pangunahing ituturo ay Computer theory, MS Windows, MS Words, MS Excel, at MS Power Point. Ang mga kalahok ay gagabayan din na magkaroon ng tamang value formation at wastong paghahanda sa sarili kung lalahok sa isang jobs fair, o tamang pamamaraan ng pamamasukan.
Nabanggit naman ni Konsehal Angie Yang na ang Ai Hu Foundation, Inc. ay isang non-profit organization na itinatag upang makatulong sa pagkakaloob ng karunungan sa mga kabataang hindi na nagsisipag-aral, at maging sa mga may gawain na na nagnanaisa na magkaroon ng kamalayan sa wastong paggamit ng computer upang sila ay higit na maging epektibo sa paglilingkod sa pamayanan.
Ang magsisilbing silid-aralan ay isang 40-foot container van na may 21 yunit ng personal computer, o 21 mag-aaral bubuo ng bawa’t seksyon o grupong sabay-sabay na tuturuan. Ang Ai Hu ay hango sa salitang Mandarin (o opisyal na wika ng Tsina) na ang kahulugan pag-ibig at pangangalaga (love and care).
Ang pagtuturo ay sa loob ng 18 araw, na dalawang oras at kalahati ang itatagal ng pagtuturo bawa’t araw.
Ang training team na maglilipat ng kasanayan at karanasan ay binubuo nina Wendell A. Edu, training supervisor; at Arman Castillo, Jazmine Anzures, at Maria Anica Adriano. Trainors/teachers. (CIO-San Pablo City)
Comments
Post a Comment