Sa pakikipanayam ni Farm Broadcaster Louie Tabing ng Palatuntunang Sa Kabukiran na isinasahimpapawid ng Radyo DZMM kay Dr. Wesley Rosario ng National Integrated Fisheries Development Center noong Sabado ng umaga, napag-alamang ang palatuntunan ng pagtatapos ng mga nagsipag-aral ng pagkukultura ng Tilapiang Tabsing ay gaganapin sa darating na Sabado, Pebrero 6, 2010 sa Asian Fisheries Academy Campus sa Bonuan-Binloc sa Dagupan City.
Ang pagsasanay ay sa pamamagitan ng School-On-The-Air na bahagi ng Palatuntunang “Bago ‘Yan Ah” sa Radyo DZMM (630 Khz on AM) na pinamamatnugutan ni Anchorman Angelo Palmones, Pambansang Pangulo ng Philippine Science Journalists Association (PsciJourn), sa tulong ng Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD) ng Department of Science and Technology, at ng National Integrated Fisheries Technology Development Center (NIFTDC) ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources
Sang-ayon kay Dr. Wesley Rosario, lubhang mahalaga na magkaroon ng pambansang pagsasakit na mapalawak ang kamalayan sa pagkukultura ng Tilapiang Tabsing o lahi ng tilapia na angkop alagaan sa tubig na magkahalong tabang at alat o brackish water dahilan sa bunga ng nagaganap na pagbabago ng panahon o climate change, marami ng paligawan ng tilapiang tabang ang nagiging maalat, kaya ang may 125,000 ektaryang katubigang nauukol sa pag-aalaga ng tilapiang tabang ay unti-unting nababawasan na, sa kabila ng katotohanang lumalaki ang bilang ng populasyong kumakain nito.
Sang-ayon sa pag-aaral ng Philippine Council for Aquatice and Marine Research and Development na naka-base sa Los Baños, iniulat ni Dr. Rosario na higit na kapakipakinabang para sa mga magsasaka ang magpalaki ng tilapiang tabsing kaysa bangus, sapagka’t sa isang ektaryang palaisdaan, kung bangus ang aalagaan, ay makakapag-ani lamang ng isang tonelada, samantala apat (4) na toneladang isda kung tilapiang tabsing ang aalagaan.
Bilang export product, napag-alamang tilapiang tabsing ang nagugustuhan at hinahanap sa Singapore, at iba pang bansa dito sa Dulong Silangan
Sa pag-uusap nina Tabing at Rosario, napag-alamang ang Asian Fisheries Acadeny ay nagtuturo rin ng siyentipikong pagpaparami, pag-aalaga, at tamang pagbibili ng tahong, talaba, hipon, at iba pang kamalayang maaaring pagkakitaan ng mga naninirahan sa tabi o baybayin ng dagat,
Katunayan nito, may mga ulat na tinanggap ang pahayagang ito mula sa PCAMRD na bago natapos ang Taong 2009, ang NIFTDC, sa tulong ng PCAMRD, ay nataguyod ng isang serye ng sampong-araw na pagsasanay sa pagkukultura ng talaba o oyster na itinaguyod ng isang private foundation para sa mga mangingisda sa sakop ng Autononous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na isinagawang lahat sa Asian Fisheries Academy sa Dagupan City. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment