Sa resulta ng Population Census na isinagawa noong Agosto 1, 2007, napag-alamang ang Lunsod ng San Pablo na binubuo ng 80 barangay ay may kabuuang populasyon na umaabot sa 237,259. Ang 122,210 nito ay rehistradong botante na nahahati sa 894 presInto kaugnay ng halalan noong Mayo ng 2007..
Gabay sa mga kandidatong naghahanda ng kanilang campaign plan, ang barangay na may pinakamalaking bilang ng populasyon ay Del Remedio na pinamamatnugutan ni Punong Barangay Napoleon Calatraba na may kabuuang 13,475, pangalawa ang San Francisco na pinangungunahan ni Punong Barangay Dandi C. Medina na may kabuuang 13,283; pangatlo ang Santo Angel na pinangangasiwaan ni Punong Barangay Fernando T. Diokno na may kabuuang 8,447; pang-apat ang Santa Monica ni pinamamahalaan ni Punong Barangay Daniel M. Asejo na pinananahanan ng 7,183 katao, at panglima ang San Gabriel na ginagabayan ni Punong Barangay Ruben A. Belulia na ang residente ay may bilang na 7,121. Ang pinakamaliit na barangay ay ang Barangay VII-D na pinangangasiwaan ni Punong Barangay Fernando A. See na binubuo lamang ng 86 katao.
Batay sa kalalagayan noong Agosto 1, 2007, ang opisyal na bilang ng populasyon ng Bayan ng Alaminos ay 40,380, na ang barangay na may pinakamalaking bilang ng naninirahan ay San Benito na binubuo ng 4,876; na sinundan ng San Agustin na may 4,482 na naninirahan. Pangatlo ang Santa Rosa na binubuo ng 3,813. Sa kabuuan, ang Barangay Del Carmen ang may pinakamaliit na bilang ng naninirahan na umaabot lamang sa 1,013.
Sa pambansang senaryo, iniulat ng National Statistics Office (NS0) na nalathala sa website (www.census.gov.ph) ng pamahalaan, ang kabuuang bilang ng populasyon ng Pilipinas ay 88,574,614, na ang 2,473,530 ay naninirahan sa Lalawigan ng Laguna.
Sa Lalawigan ng Laguna, ang mga lunsod at bayang may pinakamalaking bilang ng naninirahan ay ang (1) Calamba City, 360,281; (2) San Pedro, 281,898; (3) Santa Rosa City, 266,943; (4) Biñan, 262,735,; at (5) San Pablo City, 237,259.
Ang may pinakamaliit na bilang ng populasyon ay ang Famy na bagama’t nahahati sa 20 barangay, ay may kabuuan lamang na 13,557 katao ang residente. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment