SAN PABLO CITY - Sa Mayo 2010 ang National Statistics Office (NSO) ay magsasagawa ng 2010 Census of Population and Housing (2010 CPH) na inaasahang makapagbibigay ng napapanahong estadistika ng sosyo-ekonomiyang katangian ng populasyon. Ang estadistikang ito ang magsisilbing basehan ng pamahalaan sa pagbalangkas ng mga palatuntunang pangkaunlaran, at sa paglalaan ng pondo para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan sang-ayon kay Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña..
Ang pagsasakatuparan ng 2010 CPH ay iniaatas ng Batas Pambansa Bilang 72 na nagpapahintulot sa NSO na mag-senso tuwing ika-sampung taon simula pa noong 1980, na hindi makakasagabal sa pagkuha ng iba pang datos tulad ng agrikultura, industriya, pangangalakal, pabahay at iba pang sektor na inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Idinagdag ni Bb. Serqueñ na magiging matagumpay lamang ang ang pagsasagawa ng 2010 CPH kung magkakaroon ng kooperasyon at pakikipagtulungan ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa NSO. Kaya’t inaprubahan ang NSCB Resolution No. 16, Series of 2009 na nagsasaad ng Terms of Reference and Composition of Regional/Provincial/City/Municipal Census Coordinating Board.
Sa Laguna, ang Provincial Census Coordinating Board (PCCB) ay kinabibilangan ni Provincial Governor Teresita S. Lazaro, bilang Chairperson, Provincial Schools Division Superintendent Ester C. Lozada, bilang Vice-Chairperson, ang District Engineer ng DPWH, ang Provincial Director ng PNP, ang Provincial Planning and Development Coordinator, ang Provincial Assessor, ang Provincial Agriculturist, ang Provincial Population Officer, ang Provincial Environment and Natural Resources Officer ng DENR, ang Provincial Social Welfare and Development Officer, ang NCIP Development Management Officer, at tatlong (3) kinatawan ng pribadong sector. Si Provincial Statistics 0fficer Magdalena T. Serqueña ng NSO-Laguna Provincial Office ang gaganap na Executive Officer.
Ang City/Municipal Census Coordinating Board (C/MCCB) naman ay kinabibilangan ng City/Municipal Mayor bilang chairperson, DepEd District Supervisor bilang vice-chairperson, Police Station Commander , City/Municipal Planning and Development Coordinator, City/Municipal Civil Registrar, City/Municipal Population Officer, City Assessor, Municipal Agriculturist, mga kinatawan ng pribadong sektor, at District Statistics Officer na gaganap bilang Executive Officer.
Napag-alamang noon pang Pebrero 1 nabuo ang ang PCCB sa organizational meeting na ginanap sa conference room ng Tanggapan ni Gobernadora Teresita S. Lazaro, kung saan dumalo rin ang kinatawan ng Laguna Red Cross Chapter, at ng Laguna Provincial Tourism Council. Babalangkasin na rin ang mga City/Municipal CCB bago matapos ang buwan ng Pebrero.. (NSO-Laguna).
Comments
Post a Comment