ALAMINOS, Laguna – Sa nakaraang buwanang pulong ng mga barangay treasurer sa bayang ito, ay nabigyan ng pagkakataon si Revenue Collection Clerk Malic D. de Mesa, hepe ng Land Tax Unit ng Office of the Municipal Treasurer’s dito, na mahiling ang tulong ng mga pinunong barangay na mapaalalahanan ang lahat ng mga propetaryo o nangangasiwa ng mga pag-aaring hindi natitinag o real estate properties na ang kanilang taunang bayaring buwis ay dapat bayaran sa o bago ang Marso 31, 2011, sapagka’t pagkalipas ng araw na ito ay lalapatan na ng multang katumbas ng 2% kada buwan.
Makabubuting bayarang maaga ang buwis sa lupa para makaiwas na magbayad ng multa.
Ayon kay de Mesa, ang mga nagmamay-ari ng malalaking mejoras, tulad ng mga poultry houses, ay maaaring makipag-ugnayan sa Land Tax Unit ng Office of the Municipal Treasurer’s Office na pinangangasiwaan ni de Mesa bago sumapit ang Marso 31, 2011 para magawang ang pagbabayad ay hulugan na tuwing ikatlong buwan o quarterly basis.
Sa hulugan, ang unang hulog ay dapat bayaran sa o bago sumapit ang Marso 31; ang ikalawang hulog ay sa o bago sumapit ang Hunyo 30; ang ikatatlong hulog ay sa o bago sumapit ang Setyembre 30; at ang ikaapat na hulog ay sa o bago sumapit ang Disyembre 31, 2011.
Sang-ayon pa rin kay de Mesa, pinasasalamatan ni Municipal Treasurer Sofia U. Cumpio ang mga pinunong barangay sa kanilang pakikipagtulungan na mapaalalahanan ang kanilang mga kanayon sa tamang paraan ng pagbabayad ng buwis sa mejoras, sapagka’t karanasan sa bayang ito na ang mga propetaryo ay maluwag sa loob na nagbabayad ng kanilang real estate taxes, kung sila ay napapaalalahanan ukol sa obligasyong ito.
Nasabi ni de Mesa na ang paalaalang ito ay alituntuning ipinatutupad sa lahat ng lunsod at munisipyo sa bansa. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment