SAN PABLO CITY – Pag-alinsunod sa itinatagubilin ng Batas Republika Bilang 9147, na lalong kilala sa pamagat na “"Wildlife Resources Conservation and Protection Act." na pinagtibay ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Hulyo 30, 2001 ay nagpapaalaala si City Environment and Natural Resources Officer Ramon R. de Roma na ang lahat ng mga nagsisipanghuli, magsisipag-alaga at nangangalakal ng mga buhay-ilang o wildlife ay dapat na may nasusulat na kapahintulutan mula sa Protected Areas and Wildlife Bureau (PAWB) na isang ahensya sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Maging ang mga kolektor ng natatanging ibon at hayop ay kinakailangang may kapahintulutan o permit, at bago sila pagkalooban ng nabanggit na kasulatan ay kinakailangang patunayan nilang sila ay may kakayanang matustusan ang pangangailangan ng inaalagaang hayop, tulad ng pagkain at pagsasaayos na tahanan nito.
Sang-ayon sa batas, maging ang National Bureau of Insvestigation (NBI) ay dapat na may tauhang itatalagang wildlife officer na may kapangyarihang mangumpiska ng mga inaalagaan o iniingatang hayop na walang sapat na kapahintulutan o permit.
Sang-ayon kay de Roma, ang kalimitang nakukumpiskang ibon dito sa kapaligiran ng Lunsod ng San Pablo ay ang colasisi (Loriculus philippensis), loro o parrot mula sa Palawan, kuwago, ahas at sawa, mynah, bayawak, at iguana.
Ang pinakamababang kaparusahang maaaring ilapat sa mga nararapatang nilalabag ang tadhana ng Batas Republika Bilang 9147 ay pagkabilanggong mula sa lima (5) araw hanggang sampong (10) araw, at multang mula sa dalawang daang piso (P200.00) hanggang isang libong piso (P1,000.00). Ang pinakamataas ay pagkabilanggong mula sa anim (6) buwan hanggang isang (1) taon, at multang mula sa P50,000.00 hanggang P100,000.00.
Layunin ng Batas Republika Bilang 9147 na mapangalagaan ang mga buhay-ilang, at mapaunlad ang likas na tahanan nito upang mapangalagaang umiiral ang balanseng kapaligiran., at upang maayos na masubaybayan ang koleksyon at pangangalakal ng buhay-ilang, paliwanag ni de Roma. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment