ALAMINOS, Laguna – Sa flag ceremony noong nakaraang Lunes ng umaga ay buong kagalakang ibinalita ni Mayor Eladio M. Magampon na si Municipal Treasurer Sofia U. Cumpio ay isa sa tatlong municipal treasurer na pinahalagahan nina Gobernador Jeorge “ER” Ejercito Estregan at Provincial Treasurer Evelyn de Guzman sa flag ceremony sa Provincial Capitol noong sinundang Lunes dahil sa nalampasan ng kanilang tanggapan ang target collection para sa Taong 2010 na itinakda ng Bureau of Local Government Finance (BLGF).
Ang Bayan ng Pagsanjan ang nanguna, pangalawa ang Paete, at pangatlo ang Alaminos, 26 na lahat ang munisipyo dito sa Laguna, at hindi kasama sa pinahalagahan ang mga Lunsod ng San Pablo, Calamba, Santa Rosa at Biñan.
Pinasalamatan ni Mayor Magampon ang ginagawang pagkilala at pagpapahalaga ni Gobernador ER sa mga municipal official na nakakapagpakita ng tunay na malasakit na matugunan ang mga itinakdang pananagutan sa kanila, sapagka’t ito ang nakakahikayat sa kanilang upang higit pang pagmalasakitan na magampanan ang kanilang pananagutan sa pamayanan.
Sa panig ni Gng. Sofia U. Cumpio, kanyang sinabing ang mga nagiging tagumpay ng kanyang tanggapan ay dahil sa malasakit din ng kanyang mga kamanggagawa sa tanggapan na may kanya-kanyang inisyatibo upang mapayuhan ang mga mamamayan sa tamang pagbabayad ng kanilang obligasyon sa pamahalaan. Mahalaga rin na ang mga mamamayan ng bayang ito ay nakikita ang mga impraistraktura at nadarama ang mga palatuntunang pangkalusugan at panglipunan na ipinatutupad sa pangunguna ni Mayor Eladio M. Magampon kung saan napapaukol ang buwis na kanilang ibinabayad. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment