ALAMINOS, Laguna – Si Municipal Assessor Edgardo F. Pasiola ay nagpapaalaala sa lahat ng mga mamumuwisan o taxpayer na nagtamo ng bagong pag-aaring di-natitinag o real estate property,halimbawa ay sa sistemang bilihan, na sila ay may pananagutang maglahad ng sinumpaang salaysay sa tunay na halaga ng pag-aaring nabili sa Tanggapan ng Tagataya sa loob ng 60 araw matapos na maukupahan ang nabanggit na pag-aari.
Dapat ding maglahad ng sworn statement ang mga landowner ng loteng nagkaroon ng improvement, halimbawa ay dating lupang taniman ng lansones na pinagtayuan ng gusaling industriyal, kaya ito ay nagkaroon ng bagong assessed value dugtong naman ni Provincial Assessor Noel L. Veracruz.
Ang nabanggit na alituntunin ay nakatadhana sa Section 203 ng Local Government Code of 1991 o Republic Act No. 7160, paunawa ni Pasiola. Ang nabanggit na sinumpaang salaysay ay dapat ilahad sa tasador o assessor ng lunsod o munisipyo kung saan naroroon ang lupaing paksa ng salaysay. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment