ALAMINOS, Laguna – Nabatid mula kay Punong Barangay Rammel E. Banzuela ng Barangay San Miguel na bunga ng pagsusumakit ni DILG Local Government Operations Officer Abigail N. Andres, ay binubuo na ng mga sangguniang barangay sa bayang ito ang Expanded Barangay Development Council at ang Expanded Barangay Peace and Order Council, na kapuwa ang tagapangulo ay ang punong barangay, at unti-unti na nilang nadarama na ito ay makakapagbigay-sigla upang maayos na maipatupad ditto ang Barangay Governance Performance Management System (BGPMS) sa ikapagtatamo ng makatutuhanang Barangay Governance Report.
Napansin ni Punong Barangay Banzuela na bunga ng pagkapagpalawak ng gampanin at pananagutan ng Barangay Development Council at ng Barangay Peace and Order Council kung saan ang gampanin ng iba’t ibang sanggunian sa barangay ay nasakop na ng alin man sa dalawang sanggunian, ay nagkaroon ng direksyon ang pagkilos ng sangguniang barangay upang maging ganap at walang duplikasyon ang paglilingkod na dapat na makarating at matanggap ng mga mamamayan.
Napansin ni Banzuela ng siya ay magsimulang manungkulan noong nakaraang Nobyembre 30, na nagkakailan ang mga sectoral council sa ilalim ng sangguniang barangay, sapagka’t mayroong para sa kalusugan, na iba ng sa pagpapatupad ng mga palatuntunang pangnutrisyon, mayroong para sa pagkakaloob ng pangkagipitang tulong o disaster management, mayroong para sa violation of human rights, na sa dahilang pawang ang punong barangay ang tagapangulo o chairman, ay halos iisa rin lamang ang mga taong bumubuo nito, kaya kung sadyang kikilos ang mga sectoral council na ito, ang isang informal community leader ay wala ng gagawain araw-araw kundi dumalo at lumahok sa pagpupulong, na sila-sila rin ang araw-araw na magkakaharap.
Ang bayang ito ay binubuo ng 15 barangay, kung saan ang apat (4) ay nasa Poblacion, at pinahahalagahan ng mga punong barangay ang malasakit at tiyaga ni LGOO Abigail N. Andres na madalaw ang bawa’t barangay upang mapagkalooban ng tamang oryentasyon ang mga bumubuo ng sangguniang barangay para maging makatutuhanan ang pagbalangkas nila ng Expanded Barangay Development Council at ng Expanded Barangay Peace and Order Council, pag-ulat pa ni Banzuela. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment