Iniulat ni City Social Welfare and Development Officer Grace D. Adap na ngayong ikalawang linggo ng Disyembre, sa ilalim ng palatuntunang panglipunan ni Alkalde Vicente B. Amante, ay umabot sa 0,429 ama o ulo ng tahanan ang naipatala sa Philippine Health Insurance Corporation upang masakop ng National Health Insurance Program o Medicare para matiyak na maging ang mahihirap na pamilya sa lunsod ay may pagkakataong makapagtamo ng paglilingkod na pangkalusugan. Ang pagkakaloob ng PhilHealth Card sa mga ipinatalang Indigent Member ay bunga ng maayos na pakikipag-ugnayan ni Social Insurance Officer Luningning G. Lee ng PhilHealth San Pablo City Service Center.
Nabatid na ang naipatalang mga ulo ng tahanan ay mula sa 78 barangay ng lunsod, at sa Enero 4, 2008 ay magtatala pa sila ng 571 ama ng tahanan mula sa nalalabi pang dalawang (2) barangay upang ang biyayang paglilingkod na pangkalusugan ay matamasa ng residente ng kabuuan ng Lunsod ng San Pablo, ayon pa rin kay Gng. Grace Adap.
Ayon kay Gng. Adap, malaking tulong sa mga mahihirap na sambahayan ang naipagkaloob ni Mayor Vic Amante dahil sa sakop ng tulong ang asawa, mga anak na walang pagtatangi kung lehitimo o ilehitimo, inampong anak, at anak na panguman (step son/daughter) na wala pang 21 taong gulang sa panahon ng pagpapagmot o pagpasok sa pagamutan, sa pasubaling ang mga ito ay wala pang asawa at wala pa ring hanapbuhay. Kaya dapat nilang maayos na naiingatan ang kanilang kopya ng Membership Data Record (MDR) at ng PhilHealth Identification Card kung saan nakatala ang Personal Identification Number (PIN) sapagka’t ito lamang ang dapat dalahin kung papasok ng isang accredited hospital.
Ang mga magulang ng miyembro na mahigit na sa 60 taong gulang at hindi non-paying member, at ganap na umaasa lamang sa miyembro sa ikinabubuhay ay sakop din ng PhilHealth Card paliwanag pa rin ni Gng. Adap. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment