SAN PABLO CITY – Ang pagka-martir ni Dr. Jose Protacio Rizal ay natala sa kasaysayan upang maging isang magandang halimbawa sa mga kabataan ng kanyang panahon sa tama at maalab na pagmamahal at pagpapakasakit para sa bayan, sapagaka’t gaya ng isinatinig ni Isagani sa nobelang El Filibusterismo, namatay si Rizal na masaya sapagka’t nababanaagan na niya ang paglaya ng bansa mula sa mapanakop na mga dayuhan. Ito ang naging buod ng maikling pananalita ni City Administrator Loreto S. Amante sa pang-alaalang palatuntunang ginanap sa Liwasang Lunsod alang-alang sa pagsapit ng ika-111 anibersaryo ng pagka-martir ng pambansang bayani.
Sa pananaw ng batang Amante, ang pagdalo ng mga kagawad ng Senior Citizens Association, ng San Pablo City Posts ng Veterans Federation of the Philippines, at maging ng Kapatiran ng mga Mason at ng Knights of Columbus, at kasama na rin ang mga samahang sibiko at organisasyon sa paglilingkod, ay nagpapatunaw lamang na ang mga nakatatandang mamamayan ng lunsod ay handang maging modelo para sa mga kabataan ng kasalukuyan at susunod pang henerasyon.
Si Jose Rizal ay anak ng isang Pilipinong ama, at Intsik na ina na kapuwa mula sa mga mayayamang angkan sa Calamba, subali’t sa kadahilanang hindi sila ipinanganak sa Espanya, sila ay hindi kinilala sa lipunan ng mga namiminuno noon sa bayan. Si Jose Rizal ay nag-aral sa Ateneo de Manila, at pagkatapos doon ay sa Unibersidad ng Santo Tomas, at napag-aral din at tumapos ng karunungan sa Unibersidad ng Madrid sa Espanya noong 1882. Sa loob ng limang taon, siya ay naglibot sa Europa upang mapalawak ang kanyang kamalayan sa kasaysayan at pulitika sa mga bansa roon, hanggang noong 1886 ay minarapat niyang mag-aral ng medisina sa Unibersidad ng Heidelberg sa Alemanya dahil sa tinataglay na karamdaman ng kanyang ina, at sa Alemanya niya nasulat ang klasikang nobelang “Noli Me Tangere” na matapos malathala ay kinondena ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas, at ng makabalik siya sa Pilipinas noong 1887 ay sinubaybayan ng nga mga tauhan ng pamahalaan ang bawa’t niyang kilos.
Muli siyang bumalik sa Espanya para sulatin ang kanyang ika-2 nobela, ang El Filibusterismo na nalathala noong 1891. Sumulat din si Rizal ng maraming artikulo upang ipadama ang pagkamabansa ng mga Pilipino, at maisulong ang paninindigan niyang ang Pilipinas ay magkaroon ng representasyon sa batasan ng Espanya o sa Cortez
Nang bumalik si Rizal sa Maynila noong `1892, at naitatag niya ang Liga Filipina, isang grupo nagsusulong ng mapayapang pagbabago sa kapuluan, at ito ay ikinagalit din ng mga nangangasiwang Kastila, at si Rizal ay ipinatapon sa Dapitan sa Mindanao, at bilang exile sa Dapitan simula noong 1892 hanggang 1896, siya ay nakilala bilang isang mahusay na manggagamot, at nagturo siya sa mga kabataan ng pagbasa, at pag-unawa sa mga aralin sa siyensya ng paghahalaman at pangisdaan, at nagawa niyang isang huwaran o modelong pamayanan ang Dapitan.Matapos matuklasan ng mga Kastila ang kilusang pinamumunuan ni Andres de Castro Bonifacio, at ang lider na Anak ng Tondo ay magpalabas ng pahayag na kinilalang “Grito de Balintawak noong 1896, si Rizal ay iniugnay dito, kaya siya ay naaresto, pinagusig at nahatulan sa kasalanang sedisyon, at ipinabaril sa Luneta, na noon ay tinatawag na Bagumbayan, noong umaga ng Disyembre 30, 1896.
Si Jose Protacio Rizal ay naninindigan para sa mapayapang pagbabago tungo sa kaunlaran ng kapuluan na nagbuwis ng buhay sa malupit at madugong pamamaraan. Dito nagsimula ang bukang liwayway para matamo ng kapuluan ang minimithing kalayaan sang-ayon sa maraming sumusulat ng kasaysayan. (Ben Taningco)
Ano kaya, kung ang Pilipinas ay nanatiling kolonya ng Espana at hindi nakuha ng Amerika ang Pilipinas, siguro ay hindi nakasali ang Pilipinas sa Segunda Guerra Mundial (Second World War) at aywan ko kung ang resulta sa Pacific war ay naging iba rin.
ReplyDeleteKung sa panahong ito nabuhay si Rizal, makakaya kaya niyang labanan
ReplyDeleteang mga kasamaang dulot ng pagakalasing sa kapangyarihan at korupsyon?