Ang lahat ng publisher ng mga lingguhang pahayagan, at nangangasiwa ng mga himpilan ng radio at cable television sa Laguna ay nakatawanan sa Media Acknowledgement Day (MAD) na ipinatawag at ipinag-anyaya ng National Transmission Corporation (TRANSCO) noong Huwebes ng tanghali sa Bukid Garden Resort sa Barangay Concepcion dito sa Lunsod ng San Pablo upang maipadama ang kanilang pagkilala at pagpapahalaga sa papel na ginagampanan ng local mass media upang ang mga layunin at palatuntunan na isinulong ng TRANSCO sa Taong 2007 ay maiparating at maunawaan ng mga karaniwang mamamayan.
Ang isa sa kinikilala ng TRANSCO Management na magandang bunga ng pakikipagtulungan ng local mass media ay ang katotohanang sa taong ito, ay iisa ang nakuryente o victim of electrocution dahil sa naipaunawa sa mga mamamayan ng mga mamamahayag ang panganib ng pagdaraan sa malapit sa mga linyang may matataas na boltahe
Noong ang pamamahala at pangangasiwa sa mga linya ng kuryente na pinagdaraanan ng kuryenteng ang lakas ay mula sa 230,000 hanggang 500,000 kilovolt ay hindi pa inaako ng National Transmission Corporation, ang sistema ay taunang kumukuha ng hindi kukulangin sa limang (5) buhay taon-taon.
Nabanggit ni Communication Officer Nelson S. Bautista ng TRANSCO-South Luzon Operations and Maintenance, ang isang suliraning natutulungan ng mass media ay ang pagkawala ng mga piyesa ng mga toreng naitutumba ng malalakas na hihip ng hangin, sapagka’t media ang nakakapagpaunawa sa masamang epekto ng pagnanakaw ng piyesa ng mga tore, dahil sa ito ay nagiging sanhi ng matagalang pagkakaroon ng brownout o power interruption na nakakaapekto sa kabuhayang pambansa. Ang lahat ng pabrika sa CALABARZON Area na sandigang ng kabuhayang pambansa ay umaasa sa kuryenteng ipinamamahagi ng National Power Corporation, na pinadaraan sa mga linya ng National Transmission Corporation, kaya ang pagkalagot ng daloy nito ay nakalalagot din sa pinagkakakitaan ng mga mamumuhunan.
Media rin ang nakatutulong ayon kay Bautista upang mga sangguniang barangay ay magkaroon ng malasakit na makipagtulungan na mapangalagaan ang mga linya ng kuryente, lalo na ang mga linyang tumatahak ng mga kakahuyan at kaparangan, at sa mga burol, upang ang piyesa ng mga tore ay huwag manakaw, at ang mga linya ay huwag magdulot ng kasakunaan sa mga mamamayan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment