Bilang legal consultant ng samahan, ipinaunawa ni Assistant Provincial Prosecutor Florante D. Gonzales sa mga kagawad ng Seven Lakes Press Corps na ang Writ of Amparo ay isang nasusulat na kautusan ng hukuman na naglalayong mapangalagaan ang mga karapatan ng isang ipinagsasakdal, tulad na ipinagkaloob ng hukuman kay Fr. Robert Reyes, ang kilalang Running Priest, na isinasangkot sa kaso ng deestablisasyon kasama nina Senador Antonio F. Trillanes IV.
Nilinaw ni Prosecutor Gonzales na ang writ ay nasusulat na kautusan ng hukuman na inaatasan ang pinatutungkulan nito na itigil ang isang aksyon laban sa isang pinaghihinalaang nakalabag ng batas, samantala ang amparo ay salitang Kastila na ang tuwirang salin sa Filipino ay proteksyon.
Sang-ayon kay Gonzales, na isang tagapagturo sa Paaralan ng Batas sa San Pablo Colleges, ang Writ of Amparo ay isang paraan ng hukuman upang ang pinunong militar at pampulisiya na pinaghihinalaang may kaugnayan sa mga pag-uusig o usaping may kinalaman sa pagkawala ng tao ay basta na lamang magkakapagpahayag ng pagtangi sa pamamagitan ng alibi na sila ay walang kinalaman, o walang nalalaman sa inilalahad na impormasyon.
Samantala ang karaniwan ding naririnig na “Habeas Data” na unang nabanggit nina Chief Justice Reynato Puno at Justice Adolfo Azcuna sa isang pagtitipon sa Manila Hotel noong nakaraang Hulyo 16, 2007, ay isang paraan upang mapilit ang mga ahente ng militar at pulisiya, gayon na rin ang iba pang ahente ng pamahalaan, na magkaloob ng impormasyon tungkol sa mga nawawalang tao, at mapilit na ipakita sa abogado o kinatawan ng pamilya ng mga nawawalang tao ang record ng kinauukulang himpilan ng militar o pulisiya.
Ang alituntunin sa pagkakaloob ng Writ of Amparo and Habeas Data na pinalabas ng Korte Suprema ay kinikilalang isang makabuluhan at makatarungang susog sa ipinaiiral na Rules of Court sa Pilipinas. (Ben Taningco)
in the first place, saan ba hango ang word na amparo?
ReplyDeleteprotection of a suspected person..amparo protection
ReplyDelete