Ang Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD), isang sanggunian sa pananaliksik at pagpapaunlad sa ilalim ng Department of Science and Technology, ay gugunitain ang kanilang Ika-20 Anibersaryo ng Pagkakatatag sa darating na Enero 30 at 31, 2008, na ang tema ng pagdiriwang ay “Innovative Strategies for Technology Commercialization” sang-ayon sa isang pahayag ni Dr. Rafael D. Guerrero III, executive director ng ahensya. Si Science Secretary Estrella F. Alabastro ang magiging panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita.
Sa unang araw ay gaganapin ang Roundtable Workshop on Philippine Research and Development Framework for Climate Change and Aquatic and Marine Resources, at bubuksan sa publiko ang AQUAMART sa basement ng PCAMRD Headquarters Building kung saan nakatanghal para ipagbili ang mga makabagong kagamitang ginagamit sa pagpapaunlad ng industriya ng pagpapalaisdaan sa tubig-tabang o sa tubig-alat pagbabalita pa ni Dr. Guerrero.
Itatampok sa ika-2 araw ng pagdiriwang ang pag-uulat ng Executive Director, at ang pagkakaloob ng gawad ng pagkilala sa mga nagsipagwagi sa taunang paligsahan na may kaugnayan sa pananaliksik sa larangan ng pagpapalisdaan at mga likas yaman sa karagatan sa koordinasyon ng National Aquatic Resources Research and Development System (NARRDS) Zonal Centers, gayon na rin ang pagkakaloob ng pagpapahalaga sa mga institusyon at indibidwa, kasama na ang ilang aktibong kagawad ng medya, na sa nakalipas na maraming taon ay naging kabalikat ng PCAMRD sa pagpapasigla sa mga gawain nito. (M. V. Ricafrente)
Comments
Post a Comment