Maaaring hindi napapansin ng mga mediamen na sumusubaybay sa mga gawain ng mga Kongresista sa Batasang Pambansa, ay isang makabuluhang panukala ang isinusulong ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago (3rd District, Laguna) na kikilala at magkakaloob ng mga karapatan, kaluwagan, at kalayaan para makapagkaloob ng paglilingkod sa pamayanan sa mga barangay tanod sa buong bansa.
Nakatala sa Congressional Records bilang House Bill No. 02665, ang panukalang batas ay nagtatakda ng pagbuo ng isang tunay na Organisasyong Pambansa ng lahat ng barangay tanod, at magkakaloob ng mga kaluwagan o benepisyo upang ang mga barangay tanod ay ganap na magampanan ang kanilang inakong tungkuling makatulong sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan sa bawa’t barangay sa Pilipinas.
Makabuluhan din ang House Bill No. 02662 na magkakaloob ng kapangyarihan at karapatan sa Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo na mapangasiwaan ang Pitong (7) Lawa na ipinagkaloob ng kalikasan sa pamayanang ito.
Magugunita na dahilan sa isang dekretong pinagtibay ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, ang kapamahalaan sa pitong lawa ay napasa ilalim ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), at may mga opinyong legal na maibabalik lamang ang kapamahalaan sa pitong lawa sa pangasiwaang lokal sa pamamagitan ng pagsususog sa mga umiiral na batas ukol dito.
Mapapansing hindi ganap na napangangasiwaan ng LLDA ang Laguna de Bay na pangunahin nilang pinamahalaan, at katunayan nito, ang Laguna de Bay ay binansagan sa isang ulat ng ABS-CBN News na “World;s Biggest Septic Tank” na ito di-uamno ay sang-ayon mismo kay LLDA General Manager Ed Manda. Kaya lalong hindi nila maayos na mapangangasiwaan ang kagalingan ng pitong (7) lawa dito sa Lunsod ng San Pablo. Kaya napapanahon ang balakin ni Congresswoman Ivy Arago na pagsakitang mabalik sa Pangasiwaang Lunsod ng San Pablo ang buong pangangasiwa sa Pitong (7) Lawa ng lunsod.
Isang grupo ng media practitioners sa Maynila na dumalaw sa Sampaloc Lake, at sa Calibato Lake, bilang mga panauhin ni Heneral Jorge V. Segovia noong Martes ng tanghali ang nagmumungkahi na makabubuting ang mga taga-Lunsod ng San Pablo, sama-sama at kanya-kanya, ay sulatan ang mga kongresistang alam nila ang pangalan upang suportahan si Representative Ivy Arago na maisulong ang pagpapatibay sa kanyang panukalang batas na mabalik ang pitong lawa sa Lunsod ng San Pablo, at Lalawigan ng Laguna, at ang pagkakaroon ng Magna Carta for Barangay Tanod sa buong bansa. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment