Pagtugon sa katanungan ng mga karaniwang mamamayan na dumadalaw sa PhilHealth San Pablo Service Center, nilinaw ni Chief Social Insurance Officer Eloisa B. Tagbo na may dapat isaalang-alang na batayan upang magtamo ng mga biyaya ang mga miyembro ng National Health Insurance Program (NHIP) na ipinatutupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), gaya ng mga sumusunod :
- Ang mga miyembrong may gawain/namamasukan (or employed) ay kinakailangang nakabayad na ng hindi kukulangin sa tatlong (3) buwang bayarin o premium bago pumasok at tumigil sa isang kinikilalang pagamutan o PhilHealth Accredited Hospital;
- Nagbabayad ng sariling premium o individually paying member. Nakabayad na ng tatlong buwang premium bago pumasok ng pagamutan;
- Ipinagbayad na kasapi o sponsored member. Nakalimbag sa kasunduang nilalaman ng Family Health Card ang panahong umiiral upang matamo ang mga biyayang tulong sa pagpapagamot;
- Miyembrong Manggagawa sa Labas ng Bansa o Overseas Filipino Worker, Nakalimbag sa Membership Data Record ang panahont umiiral upang matamo ang biyayang medicare; at
- Miyembrong Di-Nagbabayad o Non-Paying Member. Ito ay ang manggagawang naging kasapi ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) na nakapagbayad na ng hindi kukulangin sa 120 buwan bago nagretiro.
Nilinaw ni Bb. Eloisa B. Tagbo na ang miyembro ay may
karapatang makatigil sa ospital sa loob ng 45 araw sa loob ng isang taon, at kabuuang 45 araw ang matatamasa ng kanyang mga kaanak, mula sa magulang na 60 taong gulang na hindi miyembro ng PhilHealth; asawa na hindi miyembro, mga anak na wala pang 21 gulang, walang asawa, at walang hanapbuhay
Nabanggit ni Tagbo na ang mga miyembro ay makabubuting maayos na maiingatan ang kanilang kopya ng Membership Data Record (MDR) kung saan nakatala ang mga kaanak na ipinasasakop na palatuntunan, sapagka’t ito ang dapat dalahin sa tuwing papasok ng pagamutan, na titigil ng hindi kukulangin sa 24 oras. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment