RIZAL, Laguna – Ang kabuuan ng 202nd Infantry (Unifier) Brigade, na bahagi ng 2nd Division ng Philippine Army, na ang pangunahing lawak ng pananagutan ay ang CALABARZON, ay nagtatagumpay sa kanilang adhikaing mapangalagaan ang mga karanisang mamamayan laban sa panggigipit ng mga kaanib ng New People’s Army (NPA), ang pagiging matagumpay ng kanilang mga operasyong isinagawa sa Isla ng Polilio, at sa bayan ng Real, kapuwa sa Lalawigan ng Quezon, ay sa tulong na rin ng mga mamamayan, na palihim na nagpapadala ng impormasyon sa kanilang himpilan na nasa bayang ito.
Ayon kay Captain Peter S. Garceniego Jr., Civil-Military Operations Officer ng 202nd IB, ngayon ay mulat na ang kaisipan ng maraming sibilyan sa mga bayan sa Quezon, at bahagi ng Laguna para ang kanilang mga napapansing pagkilos ng mga NPA ay maipaabot sa mga may pananagutang pinuno ng Philippine Army.
Nabanggit ni Garceniego na bagama’t sinasabing mabagal sa paghahatid ng sulat ang Philippine Postal Corporation, ang marami sa mga detalyado at kompletong impormasyong kanilang tinatanggap ay sa pamamagitan ng koreo. Ang iba ay sa pamamagitan ng National Direct Dialing (NDD) System ng lahat ng telephone network na kumikilos sa Katimugang Tagalog, na epektibo sapagka’t ang nagpapaabot ng impormasyon ay may pagkakataong kanilang matanong para sa karagdagang datus o impormasyon, upang sitwasyon ay agarang magawaan ng solusyon.
Comments
Post a Comment