ALAMINOS, Laguna – Ngayon pa ay nagpapaalaala na si Supt. William S. Duldulao, hepe ng pulisiya sa bayang ito, na ngayon pa ay dapat ng paghandaan ang paggunita sa Buwan ng Hulyo bilang Police-Community Relations Month, upang manatiling sariwa sa kaisipan ng mga mamamayan na kinakailangan ang pagkakaisa at pagutulungan ng pulisiya at ng mga mamamayan upang matamo ang kapayapaan at kaunlaran o ang pambansang kapanatagan.
Ang pagdiriwang sa taong ito ay siyang magiging 13th Police-Community Relations Month, ayon kay Duldulao Ito ay batay sa iniuutos ng Proclamation No. 783 na pinagtibay ni Pangulong Fidel V. Ramos noong Abril 24, 1996, na sinusugan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pamamagitan ng Proclamation No. 764 na pinagtibay noong Enero 24, 2005.
Kinakailangan ng pulisiya ayon kay Duldulao na nauunawaan ng pamayanan o ng lipunan ang kanilang mga gawain, sapagka’t sila ay magtatagumpay lamang kung sa pagtupad nila ng tungkulin ay sinusuportahan ng iba’t ibang sector ang mga binalangkas at ipinatutupad nilang palatuntunan. Dapat ding isipin na ang pambansang pulisiya ay bahagi rin ng Criminal Justice System sa Pilipinas. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment