Sa dahilang walang naganap na sesyon ang sangguniang panglalawigan noong nakaraang Miyerkoles ng hapon, na sana ay kanilang oobserbahan, ang napagtuunan nila ng pansin ay ang iba’t ibang babala na nagpapahayag ng mga kabawalan sa loob ng bakuran.
Sa may monumento para sa alaala ni Gobernador Juan Pambuan ay napansin nila na bawal tumuntong at tumawid sa damuhan; sa maraming lugar ay bawal pumarada ang tricycle, naroroon din ang mga pagbabawal na manigarilyo, at ang lahat ng karatulang kanilang nakita ay pawang nagsisimula sa katagang “bawal.”
Isang janitor ang nakarinig sa pag-uusap ng mga kabataang mag-aaral, at sinabing “Mga totoy, walang karatula riyan, pero bawal din sa mga janitor ang maupo sapagka’t gusto ni Sir Dennis na laging malinis at maayos ang capitol site, dahil sa ito ay pag-aaari ninyo. Kayo ang nagbabayad ng suweldo namin, kaya dapat naming pangalagaan ang bakurang ito.
“Pero hindi namin kayang kami lamang ang mangangalaga rito, Kayo ay dapat ding tumulong sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubiling nakababala rito, sapagka’t ito ay para sa kagandahan sa paniningin, at higit sa lahat ay para sa kalusugan ninyong dumadalaw dito sa Kapitolyo.”
Maraming bawal sa Kapitolyo. Katunayan nito, nabanggit ni Provincial Administrator Dennis S. Lazaro na bawal doon ang tamad o ang mga hindi ganadong magtrabaho, bagama’t maagang pumasok kung araw ng suweldo.
Comments
Post a Comment