Si OIC City Agriculturist Alex B. Dionglay samantalang nagsasagawa ng oryentasyon sa isasagawang pagsasanay sa tamang pagtatanim ng gulay
SAN PABLO CITY – Sa pagtataguyod ng Office of the City Agriculturist bilang pag-alinsunod sa tagubilin ni Alkalde Vicente B. Amante, na may tulong mula sa Regional Crop Protection Center (RCPC) sa Los Baños, Regional Field Unit ng DA-Region IV-A, East-West Seeds Company, at Parish Council of the Laity ng Parokya ng Concepcion, ay isinagawa noong Martes ang isang maghapong pagsasanay sa tamang pagtatanim ng gulay sa Countryside Resort sa Barangay Santo Angel sa personal na pamamatnubay ni (OIC) City Agriculturist Alex B. Dionglay.
Iniulat kay Mayor Amante na ang pagsasanay ay nilahukan ng 90 magsasaka mula sa mga Barangay ng Concepcion, Sta. Isabel, San Diego, Santo Angel, at San Lorenzo, at may lecturer na ang pinagtuunan ng pansin ay ang pagtatanim ng mga cucubit plant o mga halamang gulay na gumagapang, tulad ng amargoso, kalabasa, pipino, at pakwan.
Naging mga pangunahing tagapagsalita sa pagsasanay sina Operations Chief Teodora Mamades, Vegetable Coordinator Rina Montalbo, at Area Coordinator Aida Malaedo ng DA -Region IV-A, Vegetable Protection Specialists Pamela Fule, Glenrose Belen, at Benny dela Cruz ng RCPC sa Los Baños.
Iniulat ni Dionglay na ang marami sa lumahok na magsasaka ay sumusunod pa sa tradisyonal na pamamaraan ng pagtatanim ng gulay, at hiniling nila ang ganitong pagsasanay para kanilang matutunan ang makabagong pamamraan ng pagpili ng binhi, pagpapatubo at pagtatanim ng punla sa pataniman, at tamang pangangasiwa at pangangalaga ng pataniman, upang ang paghahalaman ay maging kapakipakinabang.
Pinagtuunan ng pansin sa pagsasanay ang tamang paghahanda at paggamit ng organic fertilizer, ang pag-iwas na gumamit ng chemical pesticide and insecticide sa pangangalaga sa mga tanim, at maging ang tamang pag-aanit at paghahatid nito sa pamilihan. Marami rin ang humingi ng payo sa pagtatanim ng gulay na sala sa panahon, upang mag-ani ng particular na gulay sa panahong kakaunti ang nakararating nito sa pamilihan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment