NAGCARLAN, Laguna – Umabot sa kabuuang 5,053 PhilHealth ID Card na ipinatala ng Pangasiwaang Panglalawigan ng Laguna ang ipinamahagi ni Provincial Administrator Dennis S. Lazaro noong Martes ng umaga sa isang pagtitipong ginanap sa municipal covered court dito na sinaksihan nina Mayor Rolen Isleta Urriquia ng Rizal, Mayor Cesar Cordova Sulibit ng Liliw, at Mayor Nelson M. Osuna ng bayang ito.
Batay sa record ng PhilHealth San Pablo City Service Center, ang bilang ng beneficiaries ay 1,343 taga-Rizal; 1,699 taga-Liliw; at 2,011 taga-Nagcarlan, at bago isinagawa ang aktwal na pag-aabot ng PhilHealth Medicare Card ay ipinaliwanag ni Chief Social Insurance Officer Eloisa B. Tagbo ang tamang paggamit ng PhilHealth Identification Card sakali’t mayroong kagawad ang kanilang sambahayan na dapat pumasok ng pagamutan,
Ipinaalaala ni Bb. Tagbo na ang PhilHealth Card ay may bisa lamang sa loob ng isang taon, kaya dapat na ito ay kanilang laging inuusisa, upang bago ito mawalan ng bisa ay ipaalam kaagad sa Tanggapan ng Punonglalawigan sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Officer sa munisipyong kanilang pinanahanan.
Makabubuti ayon kay Bb. Tagbo na may iniingatan na silang photo copy ng kanilang PhilHealth ID Card at ng kanilang Membership Data Record (MDR), sapagka’t ito ang hahanapin sa kanila pagpasok sa isang accredited hospital. Ang Medicare Program na ipinatutupad ng Philippine Health Insurance Corporation ay gumagawang pantay ang pribilihiyo o kaluwagang tulong na tinatanggap ng mahirap at mayaman, bagama’t katotohanang ang mga kumikita ng malaki ay malaki ang kontribusyong binabayaran taon-taon.
Sa pahayag ni Provincial Administrator Dennis S. Lazaro, kanyang ipinaaalaala na simula ng si Gobernadora Teresita S. Lazaro ay manungkulang punonglalawigan, ay taunang muling binabayaran ang premium para sa mga mga mahihirap na pamilyang kanilang ipinatatala upang masakop ng National Health Insurance Program, at sa pagpasok ng bagong taon ay patuloy na lumalaki ang bilang ng nabibiyayaang mahihirap na pamilya sa buong lalawigan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment