May taas na anim na metro, ang Christmas light na ipinatayo ng San Pablo City Water District sa liwasang lunsod na pormal na pinailawan ni Mayor Vicente B. Amante noong Lunes ng gabi, ay binubuo ng 322 bumbilya o 5-watt incandenscent bulb na nakakabit sa tulong ng mga “all weather sucket” kaya ito ay nananatiling buhay at umiilaw kahit na umuulan, sang-ayon Engr. Roger Borja, general manager ng distrito.
Ang paglalagay ng Pamaskong Pailaw sa liwasang bayan na dapat pailawin simula sa dapit-hapon ng Disyembre 15 hanggang sa araw ng Tatlong Hari ng sumunod na buwan ng Enero ay pag-alinsunod sa isang Presidential Proclamation na pinagtibay ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1992, bilang simbolo ng paggunita sa Panahon ng Kapaskuhan sa bansang Pilipinas.
Karagdagan sa ipinatayong nagliliwanag na Christmas Tree, ay nilagyan din ng pailaw ang pitong (7) puno ng Indian tree, at nilagyan ng dekorasyon ang apat (4) na Corinthian post na may tig-aapat na ilaw na nasa loob ng lobong bubog o glass globelet.
Kasabay na binuksan ni Alkalde Vicente B. Amante ay ang dancing fountain na ang rehabilitasyon ay itinaguyod din ng San Pablo City Water District bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng ika-35 taong ng pagkakatatag. Ang nabanggit na dancing fountain ay natayo noon pang 1969, na bukod sa pagsasaayos ng pumping system, ito ay nalagyan ng 18 spot-light na nagbibigay ng kaakit-akit na kulay sa tila nagsasayaw ng tubig, lalo na kung may mahinang hihip ng hangin sa kapaligiran.
Magugunitang nang si Dr. Jose P. Rizal ay magtatag ng isang sistema ng patubig sa Dapitan sa pagitan ng Taong 1892 hanggang 1894, upang ang malinis na tubig mula sa bukal na nasa iang malayong kaburulan ay madala sa mga tahanan sa kanayunan, ang dulunan ng proyekto ay tinayuan ng isang liwasang nagtatampok sa isang fountain na may Mapa ng Mindanao (Relief Map of Mindanao), na napaliligiran ng pailaw na ang gatong ay langis ng niyog.
Tulad noong panahon ni Dr. Rizal, mahalaga pa rin sa kasalukuyan ang pagkakaroon ng isang fountain sa liwasang lunsod, sapagka’t tinatanggap ng mga siyentista sa kaisipan ng tao na ang dumadaloy na tubig, kung pagmamasdan, ay may epekto sa damdamin ng isang tao upang mabawasan ang pagsisikip ng dibdib, nakatutulong upang makatulog, sapagka’t ang lagaslas ng tubig ay may kaakibat na hiwaga na nakakaalis ng tensyon sa kaisipan ng tao.
Sa mga nakapaglibot sa labas ng bansa, kanilang napansin na maging sa mga malalaking simbahan at sangtuwaryo ng mga mananampalaltaya, Cristiano o Budista o Confusionista, ay bahagi ng disensyo ng kapaligiran ang isang water fountain sapagka’t ang dumadaloy o sumasayaw o umaawit na tubig ay nakapapawi ng kapaguran at nakakapagbigay ng katiwasayan sa kaisipan ng tao, (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment