SAN PABLO CITY –Ang huling araw ng 5th Annuwal Anti-Drug Campaign na isinusulong ng Tanggapan ni Vice Mayor Frederick Martin A. Ilagan ay tinampukan noong Lunes ng gabi ng isang La-Band Sa Droga, isang Rock Against Drug Concert, isang Battle of the Bank, na nilahukan ng 30 banda na ginanap sa Doña Leonila Park, na sinaksihan ng maraming kabataan mula sa iba’t ibang brangay ng lunsod.
Magugunita na simula ng manungkulan si Vice Mayor Martin Ilagan bilang konsehal noong Taong 2004, ay inilunsad niya kaagad ang isang patuluyang palatuntunan ng pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa masamang epekto ng paggamit ng mga mapanganib at ipinagbabawal na gamot.
Noong unang apat na taon, ang pinagtuunan ng pansin ng training group ng kaniyang tanggapan ay ang mga estudyante sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga in-campus training seminar para sa mga high school student sa pampubliko at pampribadong paaralan sa lunsod. Sa taong ito, ang isinagawa ay ang pagtataguyod ng mga papulong at talakayan sa mga barangay, na na inaanyayahan din na dumalo ang mga magulang ng kabataang inaanyayahan nilang lumahok sa palatuntunan, upang ang mga magulang ay magkaroon din ng kamalayan ukol sa droga, para sila ay maging epektibong tagasubaybay sa kanilang mga anak.
Ayon kay Vice Mayor Marting Frederick Martin A. Ilagan, ipagpapatuloy ng kanyang tanggapan ang kampanya upang tuwirang mailayo ang mga kabataan ng lunsod sa masamang epekto ng mga bawal na gamot o droga, at masagip ang pamayanan sa pagkakaroon ng mga wasak na tahanan. (Ben Taningco)
Comments
Post a Comment