Sa personal na pagtangkilik ni Konsehal Danilo “DY” R. Yang, na kasalukuyan ding kagawad ng Sangguniang Panlalawigan bilang Pangulo ng Liga ng mga Konsehal sa Lalawigan ng Laguna, na my tulong mula kina Congresswoman Ma. Evita R. Arago, at City Mayor Vicente B. Amante, ay 77 kabataang lalaki ang natule noong nakaraang Huwebes, Abril 16, sa Barangay San Gregorio. Mahigit sa 100 batang lalaki ang nagpatalang magpapatule, subali’t marami ang ipinagpaliban dahil sa hindi pa napapanahon, o may karamdamang hindi dapat maturukan ng mga gamot na karaniwang ginagamit sa operasyon o pag-oopera sang-ayon sa nagsusuring manggagamot.
Batay sa imbentaryo ng mga gamot at surgical supplies na ipinagkatiwala sa medical team na ipinadala ni City Health Officer Job D. Brion, ang pinaghahandaan ni Konsehal Danny Yang ay 200 kabataan ang maaaring tuliin, at ito ay pinasasalamatan ni Punong Barangay Rene Calabia, na sumubaybay sa isinagawang pagtutule na halos ay maghapong ginanap sa kanilang Barangay Hall sa Farconville Subdivision Phase 2.
Sa ulat na ipinagkaloob ng office staff ni Konsehal Danny Yang, napag-alaman na ang surgical team na nagsagawa ng pagtutule ay binubuo nina Dr. Florito Aliazas, at mga narses na sina Charito Vidal, Merlita Betrods, at Marina Calingasan. May ambulansya ring nakaantabay upang kaagad ay maihatid sa isang pribadong ospital na kinaugnay ng butihing mambabatas ng lunsod, sakali’t may batang tinatule na magkakaroon ng komplikasyon o mangangailangan ng hospital service, na pinalad namang walang ganoong nangyari. (Ruben E. Taningco).
Comments
Post a Comment