Kaugnay ng paggunita  sa ika-111 Anibersaryo ng Pagkapagpahayag ng Kalayaan ng Bansa, ngayong  Biyernes, Hunyo 12, 2009, pag-alinsunod sa itinatagubilin ng Batas Republika  Bilang 8491, na lalong kilala bilang The Flag and Heraldic Code of the  Philippines, ay hinihikayat ang lahat, maging ito ay pampubliko o pampribadong  tanggapan at ahensya, pansariling tanggapan at paggawaan, at tahanan,  na nasa kahabaan ng mga hayag na lansangan, na magladlad o mag-display  ng Watawat ng Pilipinas simula ngayong Mayo 28 (Pambansang Araw ng Bandila)  hanggang Hunyo 12 (Araw ng Kalayaan), gaya ng ipinahihintulot sa nabanggit  na batas, ang panahon ng paglaladlad ng bandila ay itinutuloy hanggang  Hunyo 30, 2009 batay sa tagubiling pinalabas ni Local Government Secretary  Ronaldo Puno na nalathala sa website www.dilg.gov.ph.   
     Sa pag-aatas  sa City Information Office na magsagawa ng malawakang diseminasyon ng  impormasyon ukol dito, sinabi ni Alkalde Vicente B. Amante na ito   ay upang  maipadama ng mga mamamayan, saan mang antas ng lipunan  at pamumuhay sila nabibilang,  ang paggalang at mataas na pagpapahalaga  sa simbolo ng pambansang pagkakaisa at katangiang nakatatayo bilang  isang malaya at nagsasariling bansa.  Ang Bandila ng Pilipinas  ang kabuuan ng pangarapin, kasaysayan, kultura, at tradisyon ng Sambayanang  Pilipino, ayon pa sa pununglunsod. (Ruben  E. Taningco)
Comments
Post a Comment