ALAMINOS, Laguna - Si Alkalde Eladio M. Magampon M.D. ang magiging pangunahing tagapagsalita sa palatuntunan ng paggunita sa ika-112 Anibersaryo ng Pagkapagpahayag ng Kalayaan ng Pilipinas sa darating na Sabado, Hunyo 12, 2010, sa pagtataguyod at pag-uugnay-ugnay ng Tanggapan ng Tagamasid Pampurok ng mga Paaralan Bayan ng Alaminos sa pamamatnugot ni G. Romulo C. Dicdican, tagamasid. Ang palatuntunang magsisimula sa ganap na ika-7:00 ng umaga ay gaganapin sa harapan ng bantayog para sa alaala ni Dr. Jose P. Rizal sa kahabaan ng Jose P. Rizal Street, o sa crossroad ng bayang ito na daanan ng mga turistang nagtutungo sa Hidden Valley Resort sa Calauan.
Ayon kay G. Dicdican, minamarapat ng Department of Education bilang tagapangulo ng pang-alaalang pagdiriwang/palatuntunan sa bayang ito, na ang taunang paggunita ng araw ng kalayaan ay ganapin sa kapaligiran ng bantayog para sa alaala ni Dr. Jose P. Rizal, sapagka’t ito ang kinikilalang “dambanang pangkasaysayan” sa bayang ito, sapagka’t ito ay natayo noon pang panahaon ng panunungkulan ni Municipal President Don Jose F. Fule noong mga Taong 1920-1923.
Magugunitang ang kapaligiran ng bantayog ay isinaayos ng pangasiwaang lokal noong Taong 1997-1998 bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Sentenyal ng Kalayaan o paggunita sa ika-100 taon ng pagkapagpahayag ng kalayaan ng bansa noong Hunyo 12, 1998. Bunga ng isinagawang pagpapaunlad sa bantayog na noong panahong iyon ay ipinalalagay ng “historical artifact” dahil sa ito ay mahigit ng limampong (50) taon, ang Bayan ng Alaminos, tulad ng Bayan ng Bay, at ng Lunsod ng San Pablo, kapuwa dito rin sa Laguna, ay napabilang sa iilang yunit ng pamahalaang lokal na kinilala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na nagsagawa ng makabuluhang paghahanda para sa paggunita sa ika-100 taon (o sentenyal) ng pagkapagpahayag ng kalayaan. Si Dr. Eladio M. Magampon ang halal na pangalawang punumbayan noon o “centennial vice mayor” ng bayang ito.
Nabanggit ni G. Dicdican na tradisyon sa bayang ito na maging mga tanging saksi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ang mga kasapi ng Veterans Federation of the Philippines-Alaminos Post, subalit maaaring sa taong ito ay hindi na sila makadalo dahil sa ang kanilang bilang ay paunti-na-ng-paunti dahil sa sila ay isa-isa ng iginugupo ng katandaan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment