ALAMINOS, Laguna – Naalaala ni Reelected Councilor Jaime M. Banzuela na napagtibay na ng Sangguniang Bayan ng Alaminos ang kapasiyahang humihiling kay Congresswoman Ma. Evita R. Arago na tulungan ang Municipal Government of Alaminos na ang 7.4-kilometer Alaminos Section ng San Pablo City – Lipa City Road, na kilala sa bayang ito sa katawagang CALABARZON Road, ay malagyan ng secondary line ng Manila Electric Company (MERALCO). Ito ay mula sa Maharlika Highway sa Barangay San Agustin na tatahak sa mga Barangay ng San Miguel, Santa Rosa, at Palma.
Kaugnay nito, nabanggit na rin ni Konsehal Jimmy Banzuela, na sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” R. Arago bago ang nakaraang halalan, ang proyektong ito ay mapupunduhan mula sa kanyang tinatanggap na Priority Development Assistance Fund (PDAF), o sa ilalim ng Rural Electrification Program ng Tanggapan ng Pangulo ng bansa, at pagtutuunan ng pansin ng kanyang tanggapan sa pagsisimula ng kanyang bagong termino ngayong buwan ng Hulyo.
Sa pananaw ni Konsehal Jimmy Banzuela, napapanahon nang ang Alaminos Section ng 30-meter wide 14.7-Kilometer San Pablo City – Lipa City Road ay malagyan na ng linya ng kuryente, sapagka’t inaasahang matatapos na ang isinasagawang pagsasaayos at pagpapaunlad ng Santa Rosa-Palma Section na ipinatutupad ng DPWH-Laguna Sub-District Engineering Office na naka-base sa San Pablo City, na sa sandaling ganap na matapos, ay gagawang ang pabibiyahe sa pag-itan ng mga Lunsod ng San Pablo at Lipa ay sa loob lamang ng tatlumpong minuto. Katunayan nito, marami ng lote sa baybayin ng kahabaan nito ang pinagbabalakang pagtayuan ng negosyo, at ang kanila lamang hinihintay ay malagyan ito ng distribution line ng MERALCO o ng National Grid Corporation of the Philippines.
Sa seksyon ring ito ng CALABARZON Road maraming nagbabalak na magtayo ng malalaking bodega o warehouses para serbisyuhan mga gagamit sa Ports of Batangas na ang lawak ng kanilang pangangalakal ay ang Katimugang Luzon.
Sa seksyon ng CALABARZON Road sa Barangay San Agustin na may habang 1,100 metro, ay mayroon ng isang garment factory na ang mga ginagawang baseball cap ay iniluluwas sa Estados Unidos. Dito ay mayroon ng maayos na linya o pipeline ang Alaminos Water District, at nagsisilbing prinsipal na daanan sa pagpunta sa Poblacion ng bayang ito, at sa San Pablo City ng mga residente sa Ibayiw Area, partikular ay mga naninirahan sa mga Barangay ng San Miguel, San Roque, San Gregorio, at Santa Rosa, paalaala pa ni Konsehal Jimmy Banzuela. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment