Noong nakaraang taon, ang pagtataas ng watawat ay pinangasiwaan ng liderato ng San Pablo City Reservists Association.
SAN PABLO CITY – Si City Schools Division Superintendent Enric T. Sanchez ang tatalakay sa kahulugan at kahalagahan ng paggunita sa ika-112 Taon ng Pagkapagpahayag ng Kalayaan ng Pilipinas sa darating na Sabado, Hunyo 12, 2010 sang-ayon sa paanyayang tinanggap ng pahayagang ito.
Sa palatuntunang gaganapin sa harapan ng bantayog ni Dr. Jose P. Rizal sa liwasang lunsod simula sa ganap na ika-7:30 ng umaga, ang bibigkas ng pambungad na pananalita matapos na maitaas ang watawat ay si Vice Mayor-Elect Angelita E. Yang. Bibigkas din ng pananalita si dating Vice Mayor Palermo A. Bañagale bilang pangulo ng San Pablo Cultural and Historical Society. Magsasalita rin sina Congresswoman Ma. Evita R. Arago at Alkalde Vicente B. Amante.
Ang pag-awit ng doksolohiya at Lupang Hinirang ay sa pangunguna ng Koro ng mga Pinuno at Kawani ng Pangasiwaang Lunsod.
Ayon kay City Administrator Loreto S. Amante na siyang bibigkas ng panghuling pananalita, pagkatapos ng public convocation ay isusunod kaagad ang tradisyonal na pag-aalay ng pumpon ng mga bulaklak na pangungunahan ng pununglunsod at mga pinunong lunsod, gayon din ng mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan at ahensya ng pamahalaang nakabase sa lunsod na ito, lider ng iba’t ibang samahang sibiko at organisasyon sa paglilingkod, mga kapatiran at kilusang relihiyoso, kasama na ang mga guro at beterano. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment