CALAUAN, Laguna – Bilang isa ring karaniwang ina ng tahanan na nadarama ang mga pangunahing suliranin ng isang sambahayan, nabanggit ni Mayor-Elect Felisa “Baby” L. Berris na pagtutuunan ng pansin ng kanyang pangasiwaan ang pangangalaga sa kalusugan at kagalingan ng mga ina, at ng mga bata o maternal and child health care sa ilalim ng kaisipang magiging matatag lamang ang isang sambahayan kung ang mga bumubuo nito ay nasa malusog na kalalagayan.
Siyempre pa nakatitiyak ang mga mamamayan ng bayang ito na kanyang ipagpapatuloy ang mga palatuntunang sinimulan sa pangangasiwa ni Future Ex-Mayor George Berris na pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon, hindi lamang sa lebel ng elementarya at sekondarya, kundi maging sa antas ng kolehiyo, katulad ng pagkapagtayo rito ng extension campus ng Polytechnic University of the Philippines kung saan maraming local resident ang nabibigyan ng pagkakataong makapagtamo ng college education sa larangan ng pagtuturo at pangangalakal, sapagka’t naniniwala si Mayor-elect Baby Berris na kung mulat ang kaisipan at malulusog ang mga mamamayan, ay may kakayanan silang mapag-isipan kung ano ang makabubuti sa kanila, mula sa pagkakaroon ng matatag na pagkakakitaan, at pagiging mabubuting kasapi ng isang lipunan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment