Kung isasaalang-alang ang kabuuang bilang ng mga botong tinanggap ng kandidato sa pagka-Senador noong nakaraang May 10, 2010 National and Local Elections dito sa Lunsod ng San Pablo, liban kay Bb. Theresa Hontiveros-Baraquel, ay pawang nagsipagwagi para mapabilang sa 15th Congress ng Pilipinas.
Batay sa certificate of canvass ang unang 12 kandidato sa pagka-Senador na inihalal ng mga taga-Lunsod ng San Pablo ay ang mga sumusunod: (1) Jinggoy Ejercito Estrada 61,503; 2) Franklin Drillon 56,697; (3) Ramon B. Bong Revilla 55,576; (4) Juan Ponce Enrile 53,544; (5) Miriam Defensor-Santiago 52,177; (6) Pia Cayetano 46,994; (7) Tito Sotto 44,140; (8) Ralph Recto 40,011l (9) Ferdinand M. Marcos Jr. 38,337; (10) Theresa Hontiveros-Baraquel 36,368; (11) Sergio Osmeña 35,184; at (12) Teofisto Guingona 35,022. Si Manuel “Lito” Lapid na isa rin sa nahalal ay pang-15 sa lunsod na ito nang siya ay makatipon ng 29,313 boto.
Si Lapid ay may ilang mahahalagang proyektong naipatupad sa lunsod na ito nitong nakalipas na tatlong taon, kaya kahit walang papulong siyang nadaluhan dito ay marami ang sumuporta sa kanya.
Magugunita na ang mga pangalan nina Senador Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile, at Franklin Drillon ay pawang maiuugnay sa mga palatuntunan na itinaguyod ni Mayor Vicente B. Amante sa nakalipas niyang limang termino, lalo na sa pagpapaunlad ng mga paaralan sa Lunsod ng San Pablo, kasama na ang pagpapatatag sa Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP), at sa pagtatayo at operasyon ng San Pablo City General Hospital.
Samantala si Senadora Miriam Defensor-Santiago ay may sadyang pitak sa puso ng mga San Pableño, sapagka’t kung maaalaala pa ng marami, noong 1992 National and Local Elections, siya ang ibinoto rito sa pagka-Pangulo o nakakuha ng higit na maraming boto kaysa kina Fidel V. Ramos at Ramon Mitra, bagama’t minsan lamang siyang makadalaw sa lunsod na ito noong panahon ng kampanyahan, at ito ay nang maanyayahan siya ng Student Council ng San Pablo Colleges na magsalita sa itinaguyod nilang convocation. (The MORNING CHRONICLE)
Comments
Post a Comment