Sa pakikipanayam sa Palatuntunang Sa Kabukiran na isinahimpapawid ng Radyo DZMM noong Sabado ng umaga, iniulat ni Dr. Westly R. Rosario, hepe ng National Integrated Fisheries Technology Development Center (NIFTDC) ng Bureau of Fisheries and Aquatice Resources (BFAR) na naka-base sa Bonuan-Binloc sa Dagupan City, na naitatag na dito sa bansa ang lahi ng Silver Perch, na angkop na paramihin sa mga dam o katubigang mababa ang temperatura ng tubig, kung saan hindi mabuhay o hindi kapakipakinabang na pagpaligawan sa tilapia.
Ang silver perch ay isang high value fish na may puting laman (o white meat) na katutubo sa Australia na pinag-aralan ni Dr. Rosario ang katangian nito simula noong Taong 2000 sa Dagupan City, sa dahilang may umiiral na alituntunin na ang mga isdang kumakain ng kapuwa isda, at may ugaling nakasisira sa kalikasan ng kapaligiran ay hindi ipinahihintulot na paramihin sa bansa.
Pagtugon sa katanungan ni Broadcaster Louie N. Tabing, iniulat ni Dr. Westly R. Rosario na kanyang naobserbahan na ang silver perch ay omnivorous o hindi pihikan sa pagkain, liban sa hindi ito kumakain ng kapuwa isda, at walang ugaling nakasisira sa kapaligiran. Ang lasa nito ay nakakatulad ng sa ayungin, lamang, ito ay higit na malalaki, sapagka’t ang breeder nito ay umaabot sa timbang na apat (4) na kilo, subali’t nakakatulad ng tilapia sa katangian na walang malalaki at matitigas na tinik. Dahil sa mga katangian at kaanyuan nito, ang silver perch ay karaniwang tinatawag ng mga nag-aalaga nito na “giant ayungin.”
Ipinabatid kay Louie Tabing na matapos ang may dalawang taong pag-aaral, sa kapahintulutan ng Secretary of Agriculture, ay sinimulan ni Dr. Rosario na ito ay paramihin na ang ginawang grow-out area ay ang Magat Dam sa Isabela, at iba pang lawak na mababa ang temperatura ng tubig, lamang, hindi pa nila magawa ang pagpaparami ng fingerling, dahil sa ito ay hindi pa lubhang kilala sa pamilihan at madalang pa ang may lakas loob na mamuhunan sa pag-aalaga nito. Subali’t kung ang pag-aalaga nito ay magiging masigla, ay may kakayanan ang NIFTDC na tustusan ang pangangailangan sa fingerling ng silver perch, sapagka’t kabisado na nila ang teknolohiya sa pagpapalahi nito.
Tiniyak ni Dr. Rosario na ang mga mahilig sa katutubong ayungin ay magugustuhan ang lasa at kalidad ng laman ng silver perch o giant ayungin.
Ayon kay Dr. Westly R. Rosario, ang mga nagnanais na makahiling ng mga karagdagang impormasyon ukol sa silver perch ay maaari siyang sulatan sa BFAR-National Integrated Fisheries Technology Development Center sa Bonuan-Binloc sa Dagupan City. Ang kanyang email address ay asianfishacademy@yahoo.com (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment