SAN PABLO CITY – Tulad ng alin mang lunsod at munisipyo sa bansa, ang lunsod na ito ay may inihanda ng palatuntunan sa paggunita sa ika-114 taon ng Pagka-Martir ni Dr. Jose P. Rizal sa darating na Disyembre 30, 2010, isang Araw ng Huwebes. Ang pagdiriwang ay gaganapin sa harapan ng bantayog ng pambansang bayani sa liwasang lunsod simula sa ganap na ika-7:30 ng umaga.
Batay sa nakahandang palatuntunan, ang doksolohiya at ang pag-awit ng Bayang Magiliw ay pangungunahan ng San Pablo Central School Chorale, at si dating Bise Alkalde Palermo A. Bañagale bilang pangulo ng San Pablo City Cultural Society ang magkakaloob ng pambungad na pananalitam samantala bilang kinatawan ng Kagawaran ng Edukasyon, si City Schools Superintendent Dr. Enric T. Sanchez ang tatalakay sa kahalagahan ng paggunita sa kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal na kinikilalang pinakadakilang bayani ng bansa.
Inanyayahan din si Congresswoman M. Evita R. Arago na magbigay ng pananalita sa nabanggit na pagtitipon, bago bigkasin ni Alkalde Vicente B. Amante ang kanyang pananalita tungkol sa kahalagahan ng pagdiriwang, na maaaring dugtungan niya ng pahayag kaugnay ng mga palatuntunang naka-kalendaryong ipatupad pagpasok ng Taong 2011. Si Pangalawang Punonglunsod Angelita E. Yang ang magkakaloob ng pangwakas na pananalita.
Gaya ng isa ng institusyon sa lunsod na ito, pagkatapos ng maikling palatuntunan ay isusunod kaagad ang pag-aalay ng bulaklak sa paanan ng bantayog ng pambansang bayani.
Sa isang nauna ng pahayag, nabanggit ni Alkalde Vicente Amante na siya ay isang tagahanga ni Dr. Jose P. Rizal, sapagka’t ang kanyang kadakilaan bilang isang henyo, na may malingas at mataas na pagmamahal sa bansang kanyang sinilangan ay inspirasyon sa sangkatauhan. Ang mapaugnay sa Dakilang Pilipinong ito ay isang karangalan, at isang pribilihiyo. (CIO/P. D. Bigueras)
Comments
Post a Comment