Nananawagan si City Administrator Loreto S. Amante sa lahat na maging maingat sa gagawaing pagsalubong sa Bagong Taon, at iwasan ang pagpapaputok ng malalaki at malalakas na rebentador, at pagsisindi ng malalaking luses dahil sa panganib na naidudulot nito sa isang tahanan.
Ayon sa city administrator, dapat paniwalaan ang paalaala ng Department of Health sa kapinsalaan sa katawan ng mga nasasabugan ng malalakas na rebentador, at ang mga ulat ng Bureau of Fire Prevention sa bilang ng sunog na ang pinagmumulan ay sinindihang luses o firework.
Maging ang usok mula sa paputok at pailaw, dahil sa ito ay likha ng pagkasunog ng pulbura, ay mapanganib na masinghot at makarating sa baga, kahit na ng mga malulusog ang pangangatawan at walang hika, paalaala pa ni Amben Amante.
Ipinaaalaala rin ni City Administrator Amben Amante na may umiiral na ordinansa o kautusang lunsod na nagbabawal sa paggawa, pag-iingat, pagtitinda o pagbibili, o pamamahagi ng mga laruang baril o toy gun na ang kayarian ay maipagkakamali sa totoong baril, at ang mga pulis ay binibigyan ng kapangyarihang ito ay kumpiskahin at sirain.
Ito ay sa dahilang ang replica ng mga tunay na baril ay ginagamit sa panghu-hold-up o pantakot para makagawa ng krimen. At mayroon pang mga modelo ng replica ng baril na yari sa metal at madaling lagyan ng mikanismo upang ito ay mabalahan at mapaputok o madali ang kombersyon sa pagiging totoong baril na may uring paltik.
Ang pangkalahatang paalaala ni City Administrator Loreto S. Amante ay “umiwas sa paputok at huwag magingat ng toy gun upang maging masaya at panatag ang pagsalubong sa Taong 2011.” (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment