Ang National Statistics Office (NSO) ay nagdaos ng National Planning Workshop (NPW) sa Pryce Plaza Hotel, Cagayan de Oro City noong ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-3 ng Disyembre 2010. Ito ay may temang: “Integrity, Accountability, Professionalism… Making a Big Difference”. Ang workshop na ito ay may layuning makapaglahad ang mga napiling lalawigan at rehiyon ng kani-kanilang husay sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin para ibahagi sa iba bilang halimbawa tungo sa pagpapapunlad ng ahensyang ito. Kabilang sa ipinamahagi ay ang pagsasagawa ng 2010 Census of Population and Housing (2010 CPH). Gayundin, nakapagpalago rin ito ng karunungan at kakayanan sa bawat pinuno ng NSO sa pakikipag-ugnayan nila sa bawat isa mula sa Administrator hanggang Provincial Statistics Officers upang mamuno nang buong husay sa kani-kanilang lugar na pinamumunuan.
Naging panauhing pandangal si Secretary Cayetano W. Paderanga, Jr. ng Socio-Economic Planning bilang Keynote Speaker.
Pinakabuod sa okasyong ito ay ang taunang Field Awards kung saan binibigyan ng parangal ang 5 pinakamahusay na rehiyon at 15 pinakamahusay na lalawigan sa pagpapatupad ng tungkulin sa limang kategorya: Statistical Operations, Civil Registration, Information Dissemination, Partnership and Linkages at General Administration.
Nabigyan ng parangal ang NSO-Laguna bilang ika-tatlo sa pinakamahusay na lalawigan sa buong bansa. Nagwagi rin ang NSO-Laguna sa kategoryang Information Dissemination bilang ika-apat at ika-lima sa Partnership and Linkages.
Tuwang-tuwa si Provincial Statistics Officer Magdalena T. Serqueña, pinuno ng NSO-Laguna sa pagtanggap ng tropeyo at sertipiko ng karangalan. Subalit ang karangalang ito ay ibinabahagi niya sa kanyang mga tauhan sa NSO-Laguna at sa mga taong naging bahagi ng NSO katulad ng mga local officials; PIA; CIO; media reporters, radio and TV broadcasters at local publishers; NSO clients at stakeholders, sa lahat ng mga respondents ng censuses at surveys na isinisagawa ng NSO. At higit sa lahat, sa Diyos na patuloy na gumagabay sa mga tauhan nito upang maisakatuparan nila nang buong tapat at katalinuhan ang mandato ng NSO. (NSO-Laguna).
Comments
Post a Comment