SAN PABLO CITY - Nagpapaalaala si City
Administrator Loreto S. Amante sa lahat
ng mga propetaryo at mga tagapangasiwa ng mga pag-aaring hindi natitinag o real
estate property owners and administrators sa lunsod na ito na sikaping
mabayaran ang dapat nilang bayarang buwis sa mejoras o real estate taxes sa o
bago sumapit ang Marso 30, 2012 upang sila ay magtamo ng diskuwentong 10
porsyento.
Ang kaluwagang ito ay ipinahihintulot sa
Section 251 ng Local Government Code of 1991 o Republic Act No. 7160.
Ayon kay Amben Amante, kung ang isang lote ay may bayaring buwis na
P2,000, na kasama na ang para sa Special Education Fund (SEF), ang babayaran lamang
ay P1,800 o may diskwentong P200. Kung hindi naman mababayaran ang bayaring
buwis na P2,000 hanggang sa Marso 30, 2012, ito ay lalapatan ng multang 2% kada
lalakarang buwan, kaya kung magbabayad sa Abril 16, 2012, ito ay lalapatan na
ng multang 8% ng bayaring buwis o ang kabuuang babayaran ay P2,160.
Kung mamarapatin naman na ang bayaring
buwis ay bayaran sa paraang hulugan o tuwing ikatlong buwan, nagpapayo si City Administrator
Amben Amante na mangyari lamang
makipag-ugnayan sa Land Tax Division ng City Treasurer’s Ofice na nasa Window 5
ng One Stop Processing Center upang magawa ang paghahati ng bayarin sa apat,
kung saan ang unang hulog (first instalment) ay babayaran sa o bago sumapit ang
Marso 30; ang ikalawang hulog (second instalment) ay babayaran sa o bago sumapit ang Hunyo 30,
ang ikatlong hulog (third instalment) ay babayaran sa o bago sumapit ang
Setyembre 30; at ang pang-apat na hulog (fourth instalment) ay babayaran sa o
bago sumapit ang Disyembre 31, 2012. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment