San Pablo City - Nananawagan ng pakikiisa si City Admin. Amben Amante sa mga taga-lunsod sa paanyaya ng City Environment and Natural Resources Office sa pamumuno ni City Environment Officer Ramon de Roma na makilahok sa taunang pagdaraos ng Earth Hour sa bansa. Ito ay gaganapin sa Marso 31, 2012 ganap na 8:30 ng gabi kung saan ito ay ilang taon ng isinasagawa hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Kaya nananawagan si City Admin. na lahat ng mamamayan ng lunsod ay mag “switch off” o magpatay ng ilaw sa kanilang mga tahanan at lahat ng establishment sa Marso 31, 8:30 ng gabi na tatagal ng 1 oras. Ang gawaing ito ay pagpapakita ng lunsod ng pakikiisa sa Global Community na layuning makatulong na maibsan at magbigay lunas sa masamang epekto ng Global Warming na nararanasan ng mundo ngayon.
Ang World Wildlife Foundation for Nature ang siyang pangunahing organisasyon na nagsusulong ng nasabing adbokasiya kung saan ang huling Sabado ng Marso ang itinakdang araw para sa Earth Hour.
Kaya muli ang panawagan ni City Admin. Amante na magkaisa ang mga mamamayan upang mapanatili ang kaayusan ng kapaligiran at mapangalagaan ang ating Inang Kalikasan. (CIO-SPC)
Comments
Post a Comment