TANING KO
Ni Ruben E. Taningco
Nang si Gobernadora Teresita S. Lazaro ay kapanayamin ng Radio DZMM kamakailan, kanyang nanbaggit ng punonglalawigan na napapanahon ang pagkapaglunsad ng Todo-Sigla Laguna Fruit Trees Zonification Program sa lalawigan, sapagka’t layunin ng Palatuntunang Todo-Sigla sa Paghahalaman na magawang “Fruit Basket of the CALABARZON Region” ang Laguna.
Pagtugon sa tanong ni Radio Reporter Vic Pambuan, sinabi ni Gobernadora Ningning Lazaro na bago ipagkaloob ang mga bagong uri ng binhi, ang mga magsasaka ay sumasailalim ng pagsasanay o tinatagubilinan ng tamang pagtatanim at wastong pangangasiwa ng pataniman, upang matiyak na ang bawa’t punlang matanim ay lalaki at lalago upang pagkalipas ng sapat na panahon ay simulan ng pag-anihan ng bunga.
Ayon kay Gobernadora Ningning, noong una, ang isang punla ng niyog o ng lansones, sa sandaling matanim sa lupa ay ipinauubaya na lamang sa kalikasahan hanggang sa ito ay lumaki at umabot sa panahong namumunga na. Ang ganoong paraan ng pagtatanim ng halaman ay nagtatagumpay, sapagka’t noon ay mataba pa ang lupa, hindi lubhang tumataas ang temperatura ng kapaligiran, at regular ang pagpatak ng ulan. Subali’t simula ng pumasok ang Dekada ‘90 ay nagsimula ng madama ang mga pagbabago sa kapaligiran na unti-unti ng nadarama ang masamang epekto nito sa industriya ng paghahalaman, kaya ngayon, kinakailangan ng ang pataniman ay maayos na pinangangasiwaan, upang matiyak na ang halaman ay nagtatamo ng sapat na tubig, may mga halaman makakapagkaloob ng lilim sa mga bata at bagong tanim na puno, at maging ang paglalagay ng abono o pataba ay dapat na kontrolado upang ito ay maging sapat lamang sa pangangailangan ng halaman, sapagka’t ang subrang abono ay nakakasama sa tanim na puno, at sa kapaligiran.
Sa isang hiwalay na pakikipanayam ni Vic Pambuan kay Agriculture Secretary Arthur Yap, kanyang nabanggit na ang Palatuntunang Todo-Sigla sa Paghahalaman ni Gobernadora Ningning ay naaayon sa pambansang layuning isinusulong ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sapagka’t ang paghahalaman ay hindi lamang isang paraan upang maitaas ang antas ng kabuhayan, kundi ito ay isang hakbanging pangkalusugan, at pangkalinisan ng kapaligiran. Higit sa lahat, ang paghahalaman ay nakakapagpaigting sa magandang pagsasamahan ng mga kagawad ng isang tahanan o nagpapatatag sa isang pamilya.
Comments
Post a Comment