Ang modelo ng cabinet solar dryer na yari sa kahoy at plastic liner na ipinagkaloob ng Macondray Plastics, Incl. Sa mga kababaihan ng Barangay Masili sa
Sa koordinasyon ng Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (PCAMRD) ng Department of Science and Technology, ay sinubukan sa loob ng isang buwan ng mga kababaihan sa Barangay Masili sa Calamba City ang pagiging epektibo ng cabinet-type solar dryer na pinaunlad ng Macondray Plastics, Inc. sa Davao City sa pagtutuyo ng isda, at maging ng mga ani sa bukid.
Nabatid mula kay Dr. Dalisay DG. Fernandez, hepe ng Research Information Utilization Division ng PCAMRD sa Barangay Timugan sa Los Baños, noong nakaraang taon, ang Macondray Plastics, Inc. na naka-base sa Davao City, ay hiniling ang tulong ng PCAMRD upang masubok ang pagiging epektibo ng isang proto-type model ng cabinet solar dryer, na tinatawag nilang “Heliohaus” sa pagtutuyo ng isda na huli sa dagat tabang, upang maihambing sa uri ng isdang tinuyo sa tradisyonal na pagbibilad nito sa sikat ng araw, sa paniniwalang kung magigng epektibo ang makabagong disenyo ng tuyuan ay makatutulong ito sa pagpapasigla sa industriya ng palaisdaan sa antas na pantahanan.
Sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng sangguniang barangay ng Masili, iniulat ni Dr. Fernandez na 13 kababaihan ang lumahok sa isasagawabg isang-buwang pagsubok at pag-aaral ng bagong teknolohiya, na ang pangunahing layunin ng pag-aaral/pagsubok/pagsasanay ay maturuan ang mga ina ng tahanan ng payak subali’t makabagong paraan ng pagpoproseso ng isda, tulad ng siganid, ayungin, tilapia, at hipon, upang maitaas ang antas ng kabuhayan ng mga pamilya ng nabubuhay sa huli sa Laguna de Bay.
Sa isinagawang paghahambing, naidikumento ng ang panahon ng pagtutuyo sa heliohaus ay isang araw at kalahati, samantalang sa tradisyonal na pamamaraan ay dalawa hanggang tatlong araw depende sa kalalagyan ng panahon. At ang tinuyo sa heliohaus ay walang napapansing kumakapit na duming dala ng hangin, pantay ang pagkatuyo, at natitiyak ang kaayaayang moisture content kaya may katiyakang magiging matagal ito sa tindahan o mahaba ang shelflife. Wala pang langaw na nakadadapo sa mga tinutuyong isda.
Napansin pang kahit na umulan, ang cabinet ay hindi na kinakailangang isulong at naipagpapatuloy nito ang proseso ng pagtutuyo sapagka’t ang init ay nananatiling nasa loob ng kabinet, samantalang ang tuwirang tinutuyo sa ilalim ng sikat ng araw ay kinakailangang isilong, na kung matuyo man ay sinisibulan ng amag.
Nang matapos ang pagsasanay, iniulat ni Dr. Dalisay Fernandez na ang mga kalahok ay nagkaroon ng sapat na kasanayan sa tamang paghahanda ng tinunaw na asin o brine solution na ipinanghuhugas sa tutuyuing isda, pagtantya sa moisture content ng tinuyong isda, at tamang pagbabalot nito o packaging hanggang sa maihatid sa pamilihan. Ang cabinet solar dryer ay epektibo rin sa pagtutuyo ng mga gulay o buto ng halaman, tulad ng kamias at gabi na mapagkukunan din ng karagdagang pagkakakitaan.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng cabinet solar dryer o heliohaus, ang Macondray Plastics, Inc. ay naghandog ng isang yunit ng nabanggit na kabinet sa samahan ng mga kababaihang lumahok sa pagsasanay na ginagabayan ng liderato ng barangay, sapagka’t ito ay kinikilalang bahagi ng livelihood development program ng Sangguniang Barangay ng Masili, na sinasang-ayonan ni Mayor Joaquin Chipeco Jr., pagbibigay ulat pa ni Dr. Fernandez ng DOST-PCAMRD. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment