CALAUAN, Laguna – Ipinapapansin ni Gng. Felisa “Baby” Lim Berris, maybahay ni Mayor Buenafrido T. Berris, na batay sa South Luzon Telephone Directory ng Philippine Long Distrance Telephone Company, ang isa sa kinilalang matapang na lider ng mga Katipunero sa pagtatapos ng Digmaang Pilipino at Castila na gumapi sa malaking puwersa ng mga Castila na may matatag na himpilan sa Sta. Cruz noong Agosto 31, 1898 ay si Henerala Agueda Kahaban ng bayang ito.
Sa pananaliksik ni Baby Berris, sinasabi ng kasaysayan, na bilang gumaganap na Pangalawang Pangulo ng Bansa at pangunahing lider ng himagsikan sa Timog Luzon, tinagubilinan ni Heneral Miguel Malvar sina Heneral Paciano Rizal ng Calamba, Henerala Agueda Kahaban ng Calauan, at Heneral Severino Taiño ng Pagsanjan na magsagawa ng puspusang pagbaka sa mga kalabang nakahimpil sa iba’t ibang municipio na sakop ng Laguna.
Sa simula, ang pangkat ni Henerala Agueda ay reserba o nagkakaloob ng karagdagang kawal sa pangkat nina Heneral Rizal at Taiño kung sino sa kanila ang napapasuong sa mahigpit na pakikipaglaban. Subali’t noong magtatapos na ang Buwan ng Agosto, kinailangan ni Henerala Kahaban na gumawa ng sariling pagsalakay sa isang garrison upang ang mga kaaway ay huwag magkatulungan sa kanilang pakikihamok at huwag na muling makatipon ng lakas.
Sakay ng isang kabayong puti, at personal na pinangunahan ang pagsalakay sa matatag ng kuta o maayos na kanlungan ng mga kalaban, ang ipinakita ni Henerala Kahaban na katapangan at talino sa pakikihamok ay nagsilbing pampalakas ng loob sa kawal katipunero na nagbunga ng kanilang pagwawagi sa mahigpit na nasasandatahang mga kaaway.
Henerala Agueda Kahaban, bayani ng Laguna na anak ng Calauan, subali’t ang tanong ng maraming kabataan ay bakit kaya walang isinagawang pang-alaalang pagdiriwang na inihanda ang pangasiwaang panglalawigan ng Laguna ang naganap noong Agosto 31, 2008 na ika-111 anibersaryo ng pagtatagumpay ng mga Manghihimagsik na Lagunense na kumubkob sa mga Kawal ng Castila sa Santa Cruz. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment