NAGCARLAN, Laguna – Ang Barangay Bunga rito ay maliit lamang ang bilang ng aktwal na residente, subali’t maraming ang ugat ay sa barangay na ito, kaya saan man sila naninirahan sa kasalukuyan, ang marami sa mga may pag-aari rito ay legal residence o botante sa pamayanang ito, na nagbibigay-sigla sa mga lider na pinagtitiwalaan ng tungkulin sa sangguniang barangay, upang pag-ibayuhin ang kanilang paglilingkod.
Ang kasalukuyang punong barangay ng Bunga ay si dating Municipal Councilor Margarito Consignado Soliguin, at ang Chairman ng kanilang Sangguniang Kabataan ay ang kanyang pamangking si Angel Commendador Consignado.
Sa maayos na pakikipag-ugnayan ni Punong Barangay Margie Soliguin sa Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita R. Arago, ang may tatlo at kalahating lansangan na kinikilalang farm-to-market road ay naipakongkreto na naging dahilan upang maging masigla ang produksyon ng gulay sa barangay sa dahilang ang kanilang ani ay maayos na nadadala sa pamilihan na nasa maayos na kalalagayan dahil sa maayos na naibiyahe ito. Ang mga magtatanim dito ay pinagkakalooban ng payo ng mga farm technician ng Office of the Provincial Agriculturist, at ng Food Always in the Home (FAITH) Office sa Santa Cruz.
Para ang mga kabataan ay may maayos na mapaglibangan, ang pangasiwaang barangay ay nakapagpatayo ng isang basketball court na nakatutugon sa pamantayang itinatakda para sa mga opisyal na paglalaro o ito ay maaaring pagdausan ng mga paliga, at ang kapaligiran ng Talon ng Bunga ay isinasaayos na hindi masisira ang kalikasan nito, sapagka’t ito ay pinagdarayo na ng mga nagsisipagliwaliw sa mga araw na maganda ang panahon.
Ang Bunga Falls ang sentro ng industriya ng turismo sa Barangay Bunga, pag-uulat ni SK Chairman Angel C. Consignado. Dito rin napapatuon ang mga gawaing may kaugnayan sa pagpapaunlad ng mga kamalayan ng residente sa sining at kultura ng kanilang pamayanan. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment