Nagpapaalaala si Chairman Venancio I. Esquivel ng Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa lahat ng mga senior citizen sa lunsod na tiyaking maayos pa ang kalalagayan ng kanilang Senior Citizen’s Identification Card, at ang mga may gulang na mula sa 60 taon na wala pang ID ay mangyari lamang magsadya sa OSCA Office sa Groundfloor ng Old City Hall Building para sila ay mapagkalooban ng naaayon sa mga umiiral na batas at alituntunin ukol dito.
Ito ay upang matiyak na bilang mga nakatatandang mamamayan ng lunsod, sila ay makakapagtamo ng 20% diskwento sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan, lalo na ng gamot at groserya na bahagi ng pagkain ng mga matatanda.
Ang mga may senior citizen’s ID ay may 20% diskwento sa pagbabayad sa mga food chain at restoran, sa mga otel, at sa transportasyon, kasama na ang pagsakay sa eroplano at barko. 20% rin ang diskwento sa pagbabayad sa serbisyo ng mga manggagamot at sa bayarin sa mga medical laboratory.
Si G. Venancio Imperial Esquivel ang itinalaga ni Mayor Vicente B. Amante na tagapangulo ng Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) na naaayon sa Republic Act No. 9257, na ang panunungkulan ay pormal na nagsimula at nagkabisa noong Hulyo 1, 2010.
Upang matamo ang 20% diskwento sa pagbili ng gamot sa botika, nabanggit ni Chairman Esquivel na kumuha sa kanilang tanggapan ng Senior Citizen Purchase Slip Booklet na may control number at panahon na ito ay dapat kilalanin. Samantala para sa diskwento sa grocery items, ang hihilingin sa kanilang tanggapan ay ang Senior Citizen Commodities Purchase Slip Booklet na mayroon din kanyang control number and period covered.
Comments
Post a Comment