Ang bantayog ni Gat Andres Bonifacio sa malapit sa Hagdang Bato pababa sa Lawang Sampalok sa kahabaan ng Tomas Dizon Avenue ay pinasinayaan noong Nobyembre 30, 1997 kaalinsabay ng paggunita sa ika-134 kaarawan ng Bayani ng Maynila, na iniuugnay na rin na paghahanda sa paggunita ng sentinyal o ika-100 Anibersaryo ng Pagkapagpahayag ng Kalayaan ng Pilipinas. Ang bantayog ay kalapit lamang ng “bantayog para sa mga makabayan ng bansa o martirez dela patria” na ipinatayo ng mga diaconesa ng Simbahang Sarili (o mga Aglipayano) bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Disenyo at ipinatupad ng iskultor na si Conrado Balubayan ng Bagumbayan sa Santa Cruz, ang may 8-talampakang piguren na nakaharap sa kalunsuran, na ginugulan ng pondong inilaan ng Sangguniang Panglunsod para sa Taong 1997 sa mungkahi ni Alkalde Vicente B. Amante na isinulong sa kapulungan ni Kagawad Ireneo G. Biglete bilang pag-alinsunod sa iniaatas ng Batas Republika Bilang 7356, ang kapaligiran ng bantayog ay marapat lamang tawaging “Dambana ni Andres Bonifacio o Andres Bonifacio Shrine.”
Kaya isang History Professor sa Ateneo de Manila University na dinalaw ang “dambana” kasama ng kanyang mga mag-aaral ang nagmungkahi sa may ulat nito na dapat na magkaroon ng isang kautusang lunsod na nagbabawal ng pagpaparada ng sasakyan sa harapan ng bantayog 24 oras maghapon, at dapat din umanong lagyan ito ng maayos at higit na mataas na flagpole na ang disenyo ay naaayon sa pamantayang itinatakda ng National Historical Institute.
Ang halaga ng sculptural works ay umabot lamang sa halagang P120,000, samantala ang orihinal na pedestal ay naitayo sa halagang P69,000.00 ng City Engineer’s Office. Ang nakaraang pagpapalawak at pagpapaunlad ng kapaligiran ng bantayog ay sa pagtutulungan ng mga Kiwanis Clubs sa Lunsod ng San Pablo at ng Seven Lakes International o ng pederasyon ng mga San Pablo City Association sa Estados Unidos at Canada.
Si Andres Bonifacio y de Castro ay kinikilalang “Ang Bayani ng Maynila”, kaya ng pasinayaan ang bantayog ay umako ito ng pagpapahalaga at pasasalamat noon ng Pangasiwaang Lunsod ng Maynila sa pangunguna ni Alkalde Alfredo Lim, sapagka’t tanging sa Lunsod ng San Pablo na ang magiging sentro ng paggunita sa sentinyal ng kalayaan ay ang bantayog ni Gat Andres Bonifacio. Dito gaganapin ang pagdiriwang at paggunita ng ika-147 kaarawan ng pambansang bayani sa darating na Martes, Nobyembre 30, 2010. (Ruben E. Taningco)
Comments
Post a Comment